May mensahe si Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez sa Ombudsman, na bahagi ng inilabas niyang video statement kaugnay sa pagkakasangkot niya sa iba't ibang isyu ng korapsyon sa national budget at flood control projects, nitong Martes, Abril 21.
Pinalagan ni Romualdez ang mga isyung ibinabato laban sa kaniya, lalo na ang pagiging "mastermind" sa mga isyu ng katiwalian na matinding pinag-usapan ng taumbayan hanggang sa kasalukuyan, lalo na nang masukol sa Czech Republic si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co kamakailan.
Mariing binanatan ng solon ang umano’y pagtatangkang gawin siyang “scapegoat” sa gitna ng umiinit na mga usaping pampulitika, kabilang ang kontrobersya sa national budget at flood control projects.
Aniya hindi niya hahayaang siya ang sisihin upang tuluyang maisara ang isyu habang napoprotektahan ang mga tunay na dapat managot.
“I will not allow myself to be turned into the scapegoat,” ani Romualdez.
Dagdag pa niya, kung bahagi umano ito ng isang political play upang mapaalis siya at dungisan ang kaniyang pangalan at reputasyon, handa siyang lumaban.
“If this is a political play to push me out and close the story, tarnishing my name and my reputation, then I am telling everyone now: I will not go quietly, and I will not go alone,” pahayag niya.
Binigyang-diin din ng kongresista na hindi siya papayag na maging “fall guy” para sa katiwalian ng ibang tao.
“I will not be the fall guy for other people’s corruption,” dagdag pa niya.
Maki-Balita: 'I will not go quietly, I will not go alone!' Romualdez, pumalag sa tangkang gawing 'scapegoat' sa isyu ng korapsyon
Ayon kay Romualdez, hindi niya tatanggapin ang anumang pagtatangkang gamitin siya upang pagtakpan ang mga posibleng tunay na responsable sa mga kontrobersyang kinahaharap ngayon.
Nag-iwan din siya ng mensahe para sa tanggapan ng Ombudsman.
Matatandaang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin "Boying" Remulla na hindi nila papayagang makaalis ng bansa si Romualdez matapos magpadala ng liham kay House Speaker Bojie Dy III na humihingi ng travel clearance para makalipad sa Singapore, para sa medical procedure na kailangang isagawa sa kaniyang puso.
Humiling ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng precautionary Hold Departure Order laban sa kaniya, kasunod ng paglutang ng kaniyang travel request para sa medical follow-up sa Singapore.
Maki-Balita: Hirit ni Romualdez na travel clearance para sa angioplasty check-up, ligwak sa Ombudsman!
Maki-Balita: 'Baka 'di na bumalik eh!' Ombudsman, humirit sa Sandiganbayan ng hold departure order vs Romualdez
Kasunod nito, pinapa-freeze din ng Ombudsman ang mga ari-arian ng mambabatas, at hinihintay ang desisyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol dito.
Maki-Balita: Ombudsman, pinapa-freeze mga ari-arian ni Romualdez
"To the Ombudsman, I say this with full respect, if your office truly believes in justice, then follow the sworn statements, follow the records, and follow the evidence all the way," aniya.
"Follow the rule of law and due process," aniya pa.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Remulla tungkol dito.