Hiniling ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang pagpapalabas ng precautionary Hold Departure Order (HDO) laban kay dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez, upang hindi makalabas ng bansa habang nasa imbestigasyon pa.
Kinumpirma ito ni Assistant Ombudsman Mico Clavano, ayon sa inilabas na ulat nitong Abril 21, 2026.
Ang bagong development ay dumating isang araw matapos lumutang ang liham ni Romualdez kung saan humihiling siya ng travel clearance upang makabiyahe sa Singapore mula Abril 20 hanggang Mayo 4, 2026 para sa follow-up medical procedure kaugnay ng kaniyang angioplasty surgery.
Sa naunang liham, tiniyak umano ni Romualdez na agad siyang babalik sa Pilipinas matapos ang kaniyang medical engagement at mananatiling available para sa anumang agarang usaping lehislatibo habang nasa ibang bansa.
Gayunman, sa gitna ng nakabinbing kahilingan sa paglalakbay, naungusan ito ng mosyon ng Ombudsman sa Sandiganbayan para sa isang precautionary HDO, na maaaring pumigil sa kaniyang planong pag-alis ng bansa habang may kinahaharap na legal na usapin.
Maki-Balita: Hirit ni Romualdez na travel clearance para sa angioplasty check-up, ligwak sa Ombudsman!
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin "Boying" Remulla, hindi nila pinapayagan si Romualdez na makaalis sa bansa dahil sa look out bulletin sa kaniya at baka hindi na siya bumalik ng bansa.
"Romualdez was supposed to have a check-up in Singapore, they were trying to ask us to allow him to leave. But because we have a bulletin, a lookout order with Immigration about those who are under investigation we did not respond favorably to the request that he be allowed to leave, pahayag ni Remulla.
"Actually, they were burning the lines yesterday and up to this morning. I held my ground. I said, when you join the government, you already surrender your right to travel, especially to another jurisdiction especially if you're under investigation. Baka hindi na bumalik eh," aniya pa.
Kasunod nito, pinapa-freeze din ng Ombudsman ang mga ari-arian ng mambabatas, at hinihintay ang desisyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol dito.
Maki-Balita: Ombudsman, pinapa-freeze mga ari-arian ni Romualdez
Kamakailan, kinumpirma rin ng Ombudsman na inihahanda na nila ang plunder case laban kina Romualdez at dating Senate President Sen. Chiz Escudero, na may kaugnayan sa kontrobersyal na maanomalyang flood control projects.
Matatandaang una nang isinabit ang pangalan ni Romualdez kabilang si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa budget insertions para makasamsam ng kickback sa implementasyon ng flood control projects.
Samantala, iginiit naman ng abogado ni Romualdez na inaprubahan naman ni House Speaker Bojie Dy III ang travel clearance ng solon.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang magiging aksyon ng Sandiganbayan kaugnay sa kahilingan ng Ombudsman. Wala pa ring inilalabas na pahayag si Romualdez hinggil sa pinakahuling hakbang laban sa kanya.