Usap-usapan ang pagsulat umano ni dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez kay House Speaker Bojie Dy III para makakuha ng travel clearance sa pagbiyahe patungong Singapore mula Abril 20 hanggang Mayo 4, 2026 para daw sa matagal nang nakatakdang follow-up kaugnay ng kaniyang angioplasty surgery.
Batay sa kumakalat na liham ni Romualdez na may petsang Abril 20, 2025, nakasaad na sumulat ang dating House Speaker sa kasalukuyang House Speaker para sa kahilingang makapag-follow-up check-up ng kaniyang medical procedure.
Saad pa sa sulat, ipinagbigay-alam din niya sa Department of Justice (DOJ) ang kaniyang planong paglalakbay, kaugnay ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) na inilabas noong Oktubre 8, 2025.
Nangako naman ang solon na agad na babalik sa Pilipinas sa oras na matapos at makompleto ang kaniyang medical engagement at mananatiling maaabot para sa anumang agarang usaping lehislatibo habang nasa ibang bansa.
Sa pagtatapos ng liham, humingi siya ng pag-unawa at suporta hinggil sa kaniyang kahilingan.
Samantala, hindi naman pinayagan ng Ombudsman ang hiling ni Romualdez dahil baka "hindi na raw siya bumalik."
"Mr. Romualdez was supposed to have a check-up in Singapore. They were trying to ask us to allow him to leave, but because we have a lookout order with the immigration among those who are under investigation, we did not respond favorably with the request to leave,” saad ni Remulla.
"Hindi namin pinayagan ma-lift yung bulletin niya. Kasi naka-lookout order. We have been investigating him actively, baka hindi na bumalik. We don’t want that to happen," saad ni Ombudsman Jesus Crispin "Boying" Remulla sa panayam ng media.