Mariing itinanggi ni Leyte Representative Martin Romualdez ang umano’y pagtatangkang gawin siyang “scapegoat” sa gitna ng umiinit na mga usaping pampulitika, kabilang ang kontrobersya sa national budget at flood control projects.
Sa isang video message, sinabi ni Romualdez na hindi niya hahayaan na siya ang sisihin upang tuluyang maisara ang isyu habang napoprotektahan ang mga tunay na dapat managot.
“I will not allow myself to be turned into the scapegoat,” ani Romualdez, nitong Martes, Abril 21.
Dagdag pa niya, kung bahagi umano ito ng isang political play upang mapaalis siya at dungisan ang kanyang pangalan at reputasyon, handa siyang lumaban.
“If this is a political play to push me out and close the story, tarnishing my name and my reputation, then I am telling everyone now: I will not go quietly, and I will not go alone,” pahayag niya.
Binigyang-diin din ng kongresista na hindi siya papayag na maging “fall guy” para sa katiwalian ng ibang tao.
“I will not be the fall guy for other people’s corruption,” dagdag pa niya.
Ayon kay Romualdez, hindi niya tatanggapin ang anumang pagtatangkang gamitin siya upang pagtakpan ang mga posibleng tunay na responsable sa mga kontrobersyang kinahaharap ngayon.
Nauna rito, naging laman ng balita si Romualdez matapos ihayag na humiling ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ng precautionary Hold Departure Order laban sa kanya, kasunod ng paglutang ng kanyang travel request para sa medical follow-up sa Singapore.
Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon mula sa iba pang kampong nadawit sa mga alegasyon ni Romualdez.