Markado na ang petsa para sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa United Nation (UN) sa susunod na Linggo upang manawagan ng kapayapaan tungkol sa nangyayaring giyera sa pagitan ng mga bansang Estados Unidos at Israel laban sa Iran.
Ayon sa isinagawang press briefing ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Assistant Secretary Angelica Escalona nitong Biyernes, Marso 6, 2026, inanunsyo niya ang nakatakdang pagpunta ng Pangulo sa UN sa New York sa darating na Lunes, Marso 9 hanggang Martes, Marso 10, 2026.
“Bibisita po si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa United Nation sa New York sa darating na ika-9 at ika-10 ng Marso. Napakahalaga po ng biyaheng ito,” pagsisimula niya.
Ani Escalona, iyon daw ang tamang panahon upang manawagan ang Pangulo ng kapayapaan sa Middle East at siguraduhin ang kaligtasan ng mga sibilyan, lalo ng mga Pilipinong apektado ng nasabing giyera.
“Ito po ang tamang pagkakataon dahil sa mga nangyayari ngayon sa Middle East . Ang UN ang pinaka-angkop na lugar upang manawagan ang ating Pangulo ng kapayapaan sa Middle East at sa kaligtasan ng lahat ng mga sibilyan, lalo na ng ating mga kababayan,” aniya.
Dagdag pa niya, “In fact, in two meetings, the President will offer a voice from our region from the developing countries and call for restraint, respect for international law, including na UN charter and humanitarian law, and for all concerned to return to the negotiating table for peace.”
Anang assistant secretary, nakatakdang magsalita si PBBM sa ika-70 sesyon ng Commission on the Status of Women (CSW 70) para isulong ang karapatan ng kababaihan.
“Magsasalita po ang Pangulo sa 70th session ng Commission on the Status of Women o CSW 70. He will also highlight here the Philippines commitment to promote, advance, and protect the rights and well-being of women and girls,” saad niya.
Pagkatapos sa CSW 70, magsasalita pa rin daw ang Pangulo sa espesyal na sesyon ng UN general assembly at layunin nitong makakuha ng karagdagang suporta sa kandidatura ng Pilipinas na maging non-permanent member ng UN Security Council sa paparating na mga taong 2027 hanggang 2028.
“Magsasalita rin po siya sa isang special session ng UN general assembly. Isa sa mga layunin dito ay makakuha ng karagdagang suporta sa kandidatura ng Pilipinas na maging non-permanent member ng UN Security Council para sa taong 2027 to 2028,” ‘ika niya.
“Nakatakdang makipagpulong ang Pangulo kay UN Secretary General António Guterres upang pag-usapan ang mga nangyayari sa Middle East,” pagtatapos pa ni Escalona.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM sa US-Israel vs Iran: 'PH is not going to call for a ceasefire… but let me do it now if it will help!’
KAUGNAY NA BALITA: Pilipinas, may sapat na suplay ng langis abot hanggang 50-60 araw—PBBM
Mc Vincent Mirabuna/Balita