Naglabas ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa 18 nagpakilalang dating mga miyembro ng Philippine Marine at dati umanong tumayong mga “bag man” ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at naghatid diumano male-maletang naglalaman ng bilyon-bilyong pera sa ilang opisyal ng pamahalaan.
Ayon sa naging panayam ng media kay NBI Director Melvin Matibag sa tanggapan ng NBI nitong Biyernes, Marso 6, 2026, sinabi niyang “na-deputize” o naatasan umano sila ng Office of the Ombudsman (OM) para imbestigahan isyu na isiniwalat ng 18 ex-marines sa kanilang joint affidavit.
Ani Matibag, tila raw hindi nga maituturing na complaint ang isinapublikong joint affidavit ng 18 ex-marines.
“We are deputized by the Ombudsman to investigate the issue. If you remember, si Atty. Baligod, nag-launch ng parang some sort of, hindi nga complaint, parang letter siya. Naka-attached ‘yong joint affidavit no’ng 18 marines,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “So ang ginawa po ng ating Ombudsman is referred it to the NBI. We are deputized to investigate the matter so we are investigating and following all the leads and all the angles na puwede nating puntahan.”
Anang direktor, magkakaso raw sila dependa kung saan sila madadala ng mga lead at anggulong isinapubliko ng 18 ex-marines, ayon na rin daw sa palaging direktiba sa kanila ng Ombudsman at ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Magkaroon kami ng findings, kung mayroong kailangang kasuhan, kung saan dadalhin ng ebidensya. ‘Yan naman lagi ‘yong direktiba ng ating Ombudsman at ng ating Pangulong Bongbong Marcos noong tinalaga ako rito. Kung saan dadalhin no’ng ebidensya, doon natin dadalhin ‘yong kaso,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 1 sa 18 ex-marines, nanindigang walang kinalaman sa kanila si Defensor
KAUGNAY NA BALITA: 'Mahirap mag-establish ng kaso!' Atty. Respicio, may nilinaw hinggil sa mga banta laban sa 18 Marines
Mc Vincent Mirabuna/Balita