May 15, 2026

Home BALITA

Dagdag-singil sa kuryente, hindi ‘company-imposed bill!’—Meralco

Dagdag-singil sa kuryente, hindi ‘company-imposed bill!’—Meralco
Photo courtesy: via MB

Nilinaw ng Manila Electricity Company (Meralco) ang mga kumakalat na pahayag sa social media kaugnay ng umano’y “karagdagang” singil sa mga bayarin sa kuryente, at iginiit na ang mga ito ay tinatawag na pass-through charges na ipinapatupad ng pamahalaan.

Ayon sa kompanya, ang naturang mga singil ay hindi napupunta sa mga distribution utility tulad ng Meralco, taliwas sa mga paratang online. Sa halip, ang mga ito ay mga obligasyong itinakda ng gobyerno at ipinapatupad sa buong sektor ng kuryente.

“The electricity bills detail components and charges in a transparent manner,” clarified Meralco Vice President for Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga sa inilabas na pahayag nitong Linggo, Abril 26, 2026.

Ipinaliwanag din ng Meralco na ang mga singil na ito ay kinabibilangan ng iba’t ibang subsidya at buwis na ipinapasa sa mga ahensya ng gobyerno.

Kabilang dito ang mga programa tulad ng discount para sa senior citizens, Lifeline Rate para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps), Feed-in Tariff Allowance, at Green Energy Auction Allowance.

Misis ng nahuling NBI volunteer, nanindigang walang kasalanan ang asawa

“These charges include mandated cross subsidies including taxes, which are remitted to the government through the relevant agencies. In addition, these are implemented by all distribution utilities and electric cooperatives and are not unique to Meralco,” he added.

Binigyang-diin pa ng opisyal na ang mga naturang bayarin ay hindi ipinapataw ng kompanya kundi bahagi ng mga patakarang naglalayong suportahan ang mga sektor na nangangailangang itaguyod ang paggamit ng mas malinis na enerhiya.

“I wish to clarify that these are not company-imposed fees but are mandated designed to support vulnerable sectors and accelerate the country’s transition to cleaner energy,” he said.

Dagdag pa ng Meralco, malinaw na naka-itemize ang bawat bahagi ng bill upang makita ng mga konsyumer kung saan napupunta ang kanilang binabayaran.

Kasama rin dito ang mga refund na ipinapatupad alinsunod sa mga utos ng regulator at makikita bilang hiwalay na item sa billing statement.

Hinimok naman ng kompanya ang mga customer na may katanungan tungkol sa kanilang bayarin na makipag-ugnayan sa kanilang customer service channels para sa karagdagang paliwanag at tulong.

Matatandaang gumawa ng ingay sa social media ang iba’t iba umanong mga electricity bill mula sa netizens at iginiit na kaya raw ito lumaki ay bunsod ng lifeline rates na naging benpisyo ng 4Ps.

Sa pagdalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa isang event ng electric company na Meralco noong Pebrero 14, 2026, pinuna niya ang mailap umanong electric subsidy para sa mga miyembro ng 4Ps. 

Ayon pa kay PBBM, noong Nobyembre 2025, umabot lamang daw sa 334,400 o tinatayang 11% ng tatlong milyong miyembro ng 4Ps ang nakarehistro sa electricity subsidy dahil sa mas mahirap na requirements.

Paglilinaw pa ng Pangulo, ang mga Pilipinong pasok sa poverty line ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngunit hindi miyembro ng 4Ps ay maaari ring magparehistro sa naturang subsidiya.

 KAUGNAY NA BALITA: 4Ps beneficiaries na kumukunsumo ng 50kWh, may pa 100% discount sa Meralco—PBBM