March 06, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga paniniwalang dapat basagin tungkol sa sexual harassment

ALAMIN: Mga paniniwalang dapat basagin tungkol sa sexual harassment
Photo courtesy: Freepik, Unsplash

Naging usap-usapan sa social media kamakailan ang kontrobersyal na pahayag ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay hinggil kay “It’s Showtime” host at aktres na si Anne Curtis, kaugnay ng inihahaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. 

Bilang “analohiya” sa diskusyon, ibinahagi ni Suntay bilang halimbawa ang umano’y naramdaman niya nang makita niya si Anne sa isang hotel. 

“Minsan nasa Shangri-La ako, nakita ko si Anne Curtis. Ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na nag-init talaga, at na-imagine ko na lang kung ano ang puwedeng mangyari. Pero siyempre hanggang imagination lang ’yon,” saad ng kongresista sa pagdinig. 

"Pero ‘di naman siguro ako puwedeng kasuhan kung ano ang na-imagine ko eh," dagdag pa nito. 

Ang naturang pahayag ay tinaguriang “offensive” ng ilan pang mambabatas at hiniling na tanggalin sa opisyal na records ng pagdinig. 

Human-Interest

ALAMIN: Mga pamahiin sa paglabas ng ‘Blood Moon’ eclipse

MAKI-BALITA: 'May desire sa loob ko na nag-init talaga!' Pahayag ng solon tungkol kay Anne Curtis sinita, pinatanggal sa house records

Bukod pa rito, mariing kinondena ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang mga nasabing pahayag at nanindigang hindi dapat gawing paksa sa malalaswang pananalita ang kababaihan, bagkus, ang mga ito ay dapat ginagabayan, inaangat, at iginagalang. 

Hinikayat rin ni Castro ang publiko na tigilan ang ganitong kultura na humihikayat sa malaswang kultura. 

MAKI-BALITA: Usec. Castro: 'Hindi kami babae lang. Babae kami!'

KAUGNAY NA BALITA: 'Hindi puwedeng sabihin na walang krimen:' Palasyo, nag-react sa 'pantasya' ni Suntay

Dahil dito, naging paksa ng usap-usapan o diskusyunan ang sexual harrasment sa social media, lalo pa't National Women's Month pa naman, na isang selebrasyon na layong kilalananin ang karapatan at mga tagumpay ng kababaihan habang tinatalakay ang isyu na kinahaharap ng mga ito sa bansa. 

Isa na rito ang “sexual harassment” na ayon sa United Nations, ay anumang uri ng hindi kaaya-ayang sekswal na kilos o, pananalita, o kaya’y pag-uugali na may motibong sekswal, na nagdudulot ng pamamahiya at pagkakasala sa iba pang indibidwal. 

Bilang komemorasyon sa Women’s Month sa buwan ng Marso, narito ang ilan sa mga paniniwalang makikitang laganap sa lipunan na dapat nang basagin hinggil sa sexual harassment: 

1. “Compliment naman ‘yon!’ 

Ayon sa pag-aaral ng Women’s Centre for Change (WCC), ang sexual harassment ay hindi kailanman ikinatutuwa ng mga tao, partikular ng kababaihan. 

Bagkus, ito ay isang “power play” sa parte ng harasser upang pababain ang integridad at dangal ng biktima nito. 

2.  Ang harassment ay sa salita lamang nangyayari 

Base naman sa pag-aaral ng Rape Crisis England & Wales, ang sexual harassment ay hindi lamang limitado sa mga salita. 

Kasama rin dito ang mga sumusunod: 

- Catcalling

- Malaswang pagtingin

- Malalaswa o sekswal na social media posts

- Stalking

- Pagkuha ng litrato o video sa ilalim ng damit ng isang indibidwal o “upskirting” 

3. Ang pagsusuot ng “revealing” na damit ay imbitasyon para ma-harass

Sa lipunan, madalas maririnig na sinisisi ang pananamit ng isang babae, kaya ito nababastos, dahil para sa ilan, ang pagsusuot ng partikular na style ng damit ay isang imbitasyon upang ma-objectify ng sinoman. 

Kaya ayon sa UN Women, anumang estilo ng pananamit ay hindi imbitasyon sa sexual assault, at kailanma’y hindi ito kasalanan ng biktima.

Dahil ang pang-aabuso ay nagmumula sa mindset na mangibabaw at magkaroon ng kontrol sa isang tao o sitwasyon, o kaya’y sirang paniniwala hinggil sa pagkalalaki, ayon pa sa UN Women. 

4. Titigil rin ang pangha-harass kapag hindi pinansin 

Sa dagdag na pag-aaral ng WW, ang sexual harassment ay hindi tumitigil ng kusa, bagkus, ang hindi pagpansin dito ay madalas nakikita ng ilan bilang “pagpayag” o “pagpapahintulot” sa mga nangyayari. 

5. Ang sexual harassment ay nangyayari lamang sa kababaihan ‘

Ayon sa mga pag-aaral, ang kalalakihan at iba pang non-binary na indibidwal ay nakararanas din ng sexual harassment o kaya’y maging promotor nito. 

Bukod pa rito, ang sexual harassment ay posible rin mangyari sa mga indibidwal sa kaparehang kasarian. 

Sean Antonio/BALITA