March 06, 2026

Home FEATURES Trending

ALAMIN: Paano nga ba umaarangkada ang impeachment process sa Kamara at Senado?

ALAMIN: Paano nga ba umaarangkada ang impeachment process sa Kamara at Senado?

Magmula nang ihain sa Kamara ang magkakasunod na impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, hindi na naging bago sa pandinig ng mga Pilipino ang salitang “impeachment.”

Bagama’t kadalasan itong nagpapatungkol bilang isang legal na paraan upang makapagpatalsik ng isang opisyal na may mataas na puwesto sa gobyerno, mahaba at masalimuot ang proseso nito bago magkaroon ng hatol sa isang akusadong opisyal.

Kaya naman, narito ang proseso ng impeachment complaints sa pagsalang nito sa Kamara at kung sakaling maiakyat ito sa Senado:

Paghahain ng impeachment complaint/s:

- Ayon sa Article XI Section 3 (2) ng 1987 Constitution, maaaring maghain ng impeachment complaint ang sinumang miyembro ng House of Representatives

Trending

‘Na-reality check?’ Netizen, na-culture shock sa isang parke sa Maynila

- Maging ang sinumang mamamayan ay maaaring maghain ng impeachment complaint ngunit kailangan itong iendorso ng isang miyembro ng Kamara.

- Ayon naman sa Article XI, Section 3 (4) ng 1987 Constitution, maaaring maghain ng impeachment complaint ang ⅓ na miyembro ng House of Representatives at tuluyan na agad itong maiaakyat sa Senado.

Pagsusumite sa Office of the House Speaker

- Ang lahat ng impeachment complaints na inihain sa tanggapan ng House Secretary General ay kinakailangang maisumite sa opisina ng House Speaker.

Pagsama sa Order of Business

- Matapos maisumite ang mga reklamo sa House Speaker, isasama na ito ng House Speaker bilang isa sa mga agenda ng Kamara.

Pagsalang sa House Committee on Justice

- Sa House Committee on Justice unang isasalang ang mga reklamong inihain sa isang impeachable official.

Pagtukoy kung Sufficient o Insufficient ang reklamo (Sufficiency in Form)

- Tinitingnan kung ang dokumento—may pirma ba, may panunumpa ba, at sumusunod ba sa tamang format.

Pagtukoy kung sapat ang nilalaman (Sufficiency in Substance)

- Sinusuri kung ang mga paratang ay may malinaw na basehan at pasok sa mga maaaring maging dahilan ng impeachment.

Subalit, hindi lahat ng impeachment complaint ay umuusad at nagtatagal ang proseso. Kagaya na lamang ng noo’y mga reklamo laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Kapuwa idineklarang "insufficient in substance” ang mga reklamo laban kay PBBM kung kaya’t hindi na ito umakyat sa kahit na anong paglilitis at ibinasura na ng House Committee on Justice. 

Pagbibigay ng abiso sa respondent

- Matapos masuri sa House Committee on Justice ang mga reklamo, aabisuhan na nito ang nirereklamo upang mabigyan siya ng pagkakataong sagutin ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Pagsusumite ng mga sagot at affidavit

- Magsusumite ang respondent ng kaniyang sagot at mga sinumpaang salaysay bilang depensa.

Pagtukoy kung may sapat na batayan (Sufficient Grounds)

- Pinagpapasyahan sa Kamara kung may sapat na dahilan para ituloy ang impeachment.

Pampublikong pagdinig / Pagsusumite ng ebidensya at memoranda

- Magkakaroon ng pagdinig kung saan inilalahad ang ebidensya ng magkabilang panig sa pagitan ng complainants at impeachable official.

Pagsusumite ng Committee Report / Articles of Impeachment

- Kung may basehan, gagawa ang komite ng ulat at ilalatag ang opisyal na mga sakdal o Articles of Impeachment.

Pagsama sa Order of Business ng Committee on Rules

- Isinasama muli sa agenda para pagbotohan ng buong miyembro ng House of Representatives.

Botohan sa plenaryo (1/3 boto kailangan)

- Kapag umabot sa 1/3 ng boto ng lahat ng miyembro, maipapasa ang Articles of Impeachment sa Senado.

Ang pag-akyat ng Articles of Impeachment Senado:

Pagtanggap ng Senate Secretary General

- Katulad sa Kamara, ang Senate Secretary General ang tatanggap ng mga impeachment complaints at ipapasa ito sa Senate President.

Pag-convene ng Senate Impeachment Court

- IIalatag ng Senate President ang impeachment court upang pormal itong mabuksan sa Senado. 

Impeachment Trial

- Sa Senado magaganap ang aktwal na paglilitis sa isang impeachable official kung saan ang mga senador ang tatayong hukom sa paglilitis.

Ang pagboto sa resulta

- Kinakailangang makakuha ng ⅔ ng bilang ng mga senador upang mahatulang “guilty,’ ang isang impeachable official.

Sa hinaba-haba man ng prosesong pagdadaanan ng impeachment complaints laban sa isang impeachable official, may iilang kinahinatnan lang ang maaaring mangyari sa akusadong mahahatulang guilty ng Senate Impeachment Court.

Agarang Pagtanggal sa Puwesto

- Awtomatikong matatanggal sa kaniyang posisyon ang opisyal sa sandaling mahatulan.

- Hindi na kailangan ng hiwalay na proseso para alisin siya.

Permanenteng Diskwalipikasyon (kung ipapataw)

- Maaari siyang ipagbawal na humawak ng anumang pampublikong posisyon sa hinaharap.

- Hindi ito automatic sa lahat ng kaso — hiwalay itong pinagpapasyahan ng Senado.

Posibleng Pagsasampa ng Kaso sa Regular na Korte

- Maaari siyang kasuhan sa Ombudsman o DOJ.

- Maaari siyang litisin sa regular na hukuman.

- Maaari siyang ma-convict at makulong kung may napatunayang krimen.