May 22, 2026

Home FEATURES Trending

KILALANIN: Viral socmed ‘transition king’ na si John Mark Gon na nag-channel sa ‘lihim na kilig’

KILALANIN: Viral socmed ‘transition king’ na si John Mark Gon na nag-channel sa ‘lihim na kilig’
Photo courtesy: Cornerstone Official (TikTok official), John Mark Gon (FB)

“'Wag mong limutin pag-ibig sa 'kin na iyong pinadama…”

Tila ito ang naging paulit-ulit na kantang maririnig ng netizens sa bawat pag-scroll nila sa social media dahil sa kuwelang mga pakulo ng ngayo’y viral “transition king” na si John Mark Gon. 

Gamit ang kantang “Hanggang Ngayon” ng singer na si Kyla bilang theme song, mapapanood sa iba’t ibang contents ni John Mark ang transition niya mula sa pagiging seryosong lalaki papunta sa isang nagtataray o kinikilig na “beki” depende sa kaniyang POV (point of view). 

Bukod sa kuwela, bumenta rin sa netizens ang tila “boobs,” nunal, at red lipstick ni John Mark sa kaniyang pagbibihis-babae. 

Dahil dito, pumapalo sa higit 500K engagements ang marami niyang content at sa kasalukuyan, nagkaroon na rin ng iba’t ibang brand advertisements si John Mark at collaboration kasama si Kyla. 

Trending

Pinoy Guinness World Record holder, personal na kinilala ni PBBM

Bago maging “transition king” sa social media, paano nga ba nagsimula si John Mark? 

Batay sa panayam ni John Mark kay Ogie Diaz noong Abril, ibinahagi niyang sinubukan lang daw niyang gayahin ang transition video na nakita sa social media platform na TikTok. 

Hindi raw niya inasahang dadagsain ito ng engagements mula sa netizens, kaya magmula noon, nagtuloy-tuloy na ang sariling version niya ng transition videos. 

“Nakita ko po dati sa TikTok, ganoon din ginagawa pero yung sounds nila iba. Tapos sabi ko, ‘try ko kaya gawin?’ Nag-try ako nung una, siyempre di ko pa ma-perfect. Sabi ko, ‘sige, try ko pa ulit.’ Naging okay, nagustuhan nila [netizens]. Doon ko na natuloy-tuloy,” kuwento ni John Mark. 

Umabot na rin daw sa punto na nare-reshare na ang kaniyang videos sa ibang bansa dahil sa nakakatuwa at nakakatawang dulot ng mga ito. 

Nilinaw naman ni John Mark na siya ay “straight” na lalaki bagama’t gumagawa ng cross-dressing at nakuha niya ang mga postura at pitik sa mga tropa niyang “beki.” 

Sa 2.9 milyon followers sa Facebook at 1.7 milyon followers naman sa TikTok, nananatiling humble si John Mark, at ibinahagi niyang mula sa kinikita sa contents, nakapag-renovate na siya ng bahay ng pamilya, at nagagamit rin ito sa investment sa damit at props para sa contents. 

Bagama’t maagang pumanaw ang ama, ginamit niyang motibasyon ang sakit upang magsumikap sa buhay at tumulong na itaguyod ang pamilya.