Kinuwento sa publiko ng bunsong anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Veronica "Kitty" Duterte ang panunuyo umano ng labi at balat ng kaniyang ama sa naging kamakailan niyang pagbisita.
Ayon sa naging panayam ng Duterte Supporter at vlogger na si Alvin Sarzate o mas kilala bilang “Alvin & Tourism” kay Kitty sa The Hague, Netherlands, noong Marso 2, 2026, sinabi niyang ang unang pagbisita raw niya sa kaniyang ama ang laging pinakamahirap.
“Like I always say, the first visit was always the hardest,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “I usually wait in the corridor mismo, so I wait for him there. Noong narinig ko agad ‘yong [pagbukas] ng pinto tumakbo ako.”
Ani Kitty, napansin daw niya ang panunuyo ng labi at balat ng kaniyang ama kaya iniutos niya raw ito ang pag-inom ng maraming tubig.
“He was okay but at first I noticed that he had dryer lips and skin than usual. That’s why I imposed a rule today, kada iinom siya ng coke dapat may few sips of water,” pagkukuwento niya.
“And then eventually, after he finished about three cups of water, nag-okay naman,” paliwanag niya.
Pagpapatuloy ni Kitty, tila nakaramdam lang daw siya ng takot nang makita niyang medyo mapula ang mata ni FPRRD.
“Natakot kasi ako kasi medyo mapula ‘yong mata niya. So, sabi ko, baka dry. He just need hydration,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang isinagawa kamakailan lamang ng International Criminal Court (ICC) ang kanilang pagdinig tungkol sa confirmation of charges sa mga kasong kinakaharap ni FPRRD noong Pebrero 23 hanggang Pebrero 27, 2026.
Matapos nito, inihayag ng ICC na may 60 araw sila upang pormal na ianunsyo ang kanilang desisyon batay sa isinagawa nilang mga naging pagdinig sa confirmation of charges.
Kasalukuyang nananatili pa rin si FPRRD sa detention center ng ICC sa The Hague, Netherlands.
KAUGNAY NA BALITA: Kaufman, napatanong; kung may nakaisip bang imbestigahan umano'y drug-related killings sa Marcos admin
KAUGNAY NA BALITA: Kitty Duterte kay FPRRD: 'I miss you, papa'
Mc Vincent Mirabuna/Balita