“Ako ang tunay na rich kid sa Capital City. Ang habol ko ay residency at hindi pamilya!”
Kamakailan, tila naging “academic inspiration” ng marami ang bagong usbong na social media sensation na si “Linda Walker” dahil sa pagpapakita niya ng kakaibang talino upang makaangat sa buhay.
Mapa-memes man o skit, kitang-kita ang makulay na imahinasyon ng netizens at content creators sa paggaya kay Linda at walang paligoy-ligoy niyang personalidad.
Dahil dito, sino nga ba si Linda Walker at bakit siya patok sa netizens?
Si Linda ay ang bida sa isang Chinese micro-drama na “The Genius Real Heiress” o “The Heiress Who Won With Brains,” na mapapanood sa iba’t ibang social media platforms tulad ng YouTube.
Siya ay isang top student mula sa probinsya ng Brookshire, at bagama’t lumaking mahirap, ay maituturing na isang “academic weapon” at may Intelligence Quotient (IQ) na 180.
Kalauna’y natuklasan ni Linda na anak siya ng Lewis Family, na isang mayaman at impluwensiyal na pamilya, na naninirahan sa Capital City.
Nang mahanap at matagpuan niya ang kaniyang tunay na mga magulang, nalaman ni Linda na napagpalit siya kay Nancy, na kanilang pinalaki sa loob ng 18 taon.
Dito na nagsimulang magbago ang buhay ni Linda, nang paulit-ulit siyang pinahihirapan ng “fake heiress” na si Nancy, kasama ang favoritism ng mga kapatid at magulang ito.
Gayunpaman, ipinakita ni Linda na hindi siya katulad ng mga tipikal na bida sa drama, dahil ginamit niya ang impluwensiya at mga koneksyon ng tunay niyang pamilya, upang magkaroon ng residency permit (hukou) sa Capital City at makapag-aral sa isang prestihiyosong pamantasan.
Sa taglay na talino at pagpupursige ni Linda na umangat sa buhay, nakakuha siya ng 719 points sa kanilang mock exam, na lubos nagpamangha sa pamilya at pamantasan nito, dahil ang kadalasang puntos lamang ng mga estudyante rito ay 400 hanggang 500 lamang.
Ang pagiging “Social Media” hit ni Linda Walker
Dahil sa pagiging palaban na bida, ang karakter niya ang naging bukambibig ng netizens nitong Pebrero.
Bawat posts, memes, at skits, na “Linda-inspired,” ay pumapalo ng libo-libong engagement sa social media, kung saan tila kabisado na ng netizens ang mga linya ni Linda sa micro-drama.
Ayon sa ilang ulat, isa pa sa rason ng pagiging viral ni Linda sa social media ay ang “revenge” plot at salitan ng mga patutsada na benta sa mga TV drama, at ngayo’y ginagawa na rin sa maraming reels.
Bukod pa rito, ang Chinese micro-drama na ito ay nahahati sa iba’t ibang parte na mapapanood bilang one-minute reel, kaya madaling masundan ng netizens sa kanilang phones.
Sean Antonio/BALITA