Nagbigay ng kaniyang mensahe si Pambansang Kamao Manny Pacquiao para sa Filipino professional tennis player at kasalukuyang world rank no. 31 sa Women’s Tennis Association (WTA) na si Alex Eala.
Ayon sa kamakailang naging pahayag ni Pacquiao sa publiko para kay Alex, sinabi niyang “proud na proud” o ipinagmamalaki raw niya si Alex dahil sa pagdadala nito ng watawat at pagdadala nito ng karangalan ng Pilipinas.
“Noong pinapanood ko siya, noong naglalaro siya, I am so proud of her na talagang dala-dala ‘yong flag ng Pilipinas,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “[Kapag] tinitingnan ko siya, proud na proud ako sa kaniya [kasi] syempre Pilipino. Kailangan natin ng marami pang ganoon. Keep it up.”
Mensahe ni Pacquiao, ipagpatuloy at pagtrabahuhan pa raw ni Eala ang bagay na ginagawa niya at hindi niya raw mararating ang destinasyon na gusto niyang marating kung makikinig siya sa tahol o ingay ng ibang tao.
“Ang message ko lang sa iyo [Alex] ay keep it up, work hard. One thing I can say is ‘yong quote ni Winston Churchill, ‘You will never reach your destination if you stop and throw stones at every dog that barks,’” aniya.
Pagpapatuloy ni Pacquiao, magtuon lang daw sa layuning makapagbigay ng karangalan sa Pilipinas at huwag pansinin ni Alex ang ingay sa kaniyang paligid.
“So, h’wag mong pansinin lahat ng mga—although, we cannot please everyone. Focus lang sa goal natin, makapagbigay ng karangalan sa ating bansa,” saad niya.
“And then marami pang mga Pilipino sana ang magbigay ng karangalan sa ating bansa,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman nakakapagbigay ng reaksyon, tugon, o pahayag si Alex kaugnay sa naging mensahe ng Pambansang Kamao.
KAUGNAY NA BALITA: Alex Eala, inakyat ulit new-career high bilang rank 40 sa mundo!
KAUGNAY NA BALITA: BALITAnaw: Tagumpay at Tibay! Mga nanaluktok na Pinoy athletes, ganap sa PH Sports nitong 2025
Mc Vincent Mirabuna/Balita