Inanunsyo ng kupunang Memphis Grizzlies ng National Basketball Association (NBA) na pumanaw na ang kanilang forward na si Brandon Clarke sa edad na 29.
Ayon sa naging pahayag ng Memphis sa kanilang Facebook page noong Martes (araw sa United States), Mayo 12, 2026, malungkot nilang inanunsyo ang pagpanaw ni Clarke.
“We are heartbroken by the tragic loss of Brandon Clarke,” pagsisimula nila.
Photo courtesy: Memphis Grizzlies (FB)
Anila, isang outstanding teammate at mabuting tao si Clarke na nagkaroon ng malaking impact sa kanilang kupunan.
“Brandon was an outstanding teammate and an even better person whose impact on the organization and the greater Memphis community will not be forgotten,” anang Memphis.
“We express our deepest condolences to his family and loved ones during this difficult time,” pagtatapos pa nila.
Base sa mga lumabas na ulat mula sa international news media outlets, partikular sa Associated Press (AP), natagpuang wala nang buhay si Clarke sa loob ng kaniyang tahanan sa Los Angeles.
Ayon sa source ng AP na humiling na huwag isapubliko ang kaniyang pagkakakilanlan at rumesponde sa mga labi ni Clarke sa kaniyang tahanan, nakakita umano sila roon ng drug paraphernalia.
Samantala, wala pa namang opisyal na impormasyon sa sanhi ng pagkamatay ng NBA player at kasalukuyan nang gumugulong ang imbestigasyon kaugnay rito.
Itinalaga bilang No. 21 overall pick si Clarke noong 2019 NBA Draft at namayagpag sa kaniyang karera bilang forward ng Memphis na may average career-high scoring na 12.1 points at 5.9 rebounds per game.