Iginiit ni House Deputy Speaker at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V na walang basbas si Leyte 1st district Rep. Martin Romualdez sa ikaapat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Taliwas ito sa sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco na si Romualdez ang nasa likod umano ng ikaapat na impeachment complaint.
Matatandaang sinabi ni Tiangco sa isang panayam sa isang news outlet kamakailan na hindi siya naniniwalang walang kinalaman si Romualdez dahil ang isa sa mga miyembro ng partidong Lakas-CMD ang naghain nito.
Si Romualdez ang kasalukuyang presidente ng partido.
“Hindi ako naniniwala na ang isang ganitong kalaking bagay eh ifa-file ng isang leader ng [Lakas CMD] nang hindi nagkokonsulta kay former Speaker Romualdez. Ang tingin ko pa nga diyan is siya ang may gusto na mai-file ‘yan,” ani Tiangco.
Dagdag pa niya, “Assuming he gets away with accountability dito sa administrasyon na ito, I’m sure kung manalo si VP Sara as president, he will not get away from accountability, 'di ba? At alam niya rin ‘yon."
Samantala, sa isang panayam sa media nitong Lunes, Pebrero 23, sinabi ni Ortega na walang basbas si Romualdez sa nabanggit na reklamo.
"Matagal na po na hindi speaker si Speaker Martin [Romualdez], but I guess, he [Tiangco] has to prove kung meron pong basbas si Speaker," ani Ortega.
"But, as far as I know, the former speaker is concentrating on his district and recently nga po meron kaming meeting few weeks ago and we are concentrating for our priority bills for the Party which is Lakas," dagdag pa niya.
Bukod dito, iginiit din ng house deputy speaker na wala ring basbas ang kasalukuyang house speaker na si Faustino "Bojie" Dy III sa ikaapat na impeachment complaint.
"Parang sinabi kasing may basbas, sila po 'yong pinanggalingan eh. Hindi po, sarili po naming desisyon ito," sabi ni Ortega.
Si Ortega at Manila 6th district Rep. Bienvenido “Benny” Abante ang nag-endorso ng ikaapat na impeachment complaint laban kay VP Sara, na inihain ni Atty. Nathaniel Cabrera, noong Pebrero 28.
Maki-Balita: Rep. Abante, Rep Ortega, inendorso ikaapat na impeachment complaint kay VP Sara