Noong Abril 22, 2026, pormal na inanunsyo ng University of the Philippines - Diliman University Student Council (USC) sa kanilang Facebook page ang pagkasawi ng lider-estudyante na si Alyssa Alano sa naganap na engkuwentro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga armadong grupo.
Naganap ang madugong insidenteng ito noong Abril 19, sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental kung saan ayon pa sa ulat ng UP Diliman USC ay aabot sa halos 168 pamilya at 653 na mga indibidwal ang lumikas sa nasabing lugar.
Ayon sa report ng AFP, kasama si Alyssa sa aabot na 19 na mga indibidwal na nasawi sa engkuwentro ng nasabing grupo laban sa 79th Infantry Battalion ng hukbong militar.
Mariing kinondena ng konseho ng nasabing unibersidad ang naging pagkamatay ni Alyssa ngunit dumepensa ang mga militar at sinabi nilang armado at nakasuot daw ng combat rig ang nasabing estudyante nang matagpuan ang kaniyang bangkay.
Ngunit sa kabila ng mga agam-agam at pagtatalo ng publiko patungkol sa insidenteng ito, sino nga ba si Alyssa at bakit siya naroon sa probinsya ng Negros Occidental nang maganap ang engkuwentro ng militar kontra sa mga umano’y armadong grupo?
Ayon sa naging panayam ng DZMM Teleradyo sa chairperson ng UP Diliman USC na si Joaquin Buenaflor, sinabi niyang isang third year college student si Alyssa at kumukuha ng degree program na Political Science sa UP.
Siya ay rin ay tumatayong councilor ng UP Diliman USC sa ilalim ng Education and Research Committee.
Ani Buenaflor, madalas daw talagang pumunta si Alyssa sa mga komunidad kung saan maraming mahirap, magsasaka, at mangingisda upang alamin kung ano ang realidad at karanasan ng mga ito.
“Sa pagkakaalam po namin si Alyssa ay pumupunta talaga sa iba’t ibang community na mayroong urban poor, may farmer, mangingisda para alamin kung ano ‘yong social reality, para alamin ‘yong struggles nila,” pagsisimula niya.
Anang chairperson ng USC, isa raw sa pinuntahan ni Alyssa ang Negros Occidental upang makipamuhay sa mga magsasaka ng tubo roon at alamin ang karanasan ng mga ito.
“Isa po doon sa pinuntahan ni Alyssa ay Negros Occidental para alamin, makipamuhay sa mga magsasaka ng Negros. Kung ano ba ‘yong struggles, ‘yong land dispute na kinakaharap nila. Dahil isa ‘yong Negros Occidental sa may pinakamahirap na estado ng mga magsasaka. Lalo na doon sa magsasaka ng tubo,” aniya.
Dagdag pa niya, “Si Alyssa, sa pagkakaalam namin, ay nandoon upang mag-organisa, alamin kung ano ang realities na kinakaharap ng mga magsasaka ng Negros.”
Saad ni Buenaflor, isa sa mga layunin ni Alyssa na magsagawa ng pananaliksik sa Negros bilang isang Political Science student hindi dahil para lang sumunod sa mga pang-akademikong gawain.
“‘Yong research po, hindi lang siya academic in one way. Kasi ang turo po sa amin dito sa UP na lumabas sa academic sense. ‘Yong mga napag-aalaman namin, ‘yong nalalaman namin, hindi lang siya para makapag-produce ng thesis. Dahil sobrang overrated ng thesis,” ‘ika niya.
Pagpapatuloy niya, nagsasagawa sila ng thesis sa komunidad ng mga magsasaka, mangingisda, agraryo, katutubo, at iba pa upang mailahad ang panawagan ng mga ito.
“Ginagawa namin ‘yong pagre-research, pakikipamuhay sa iba’t ibang mga sektor, para i-amplify ‘yong mga demands, i-amplify ‘yong mga calls nila para maka-help kaming mga iskolar ng bayan i-echo ‘yong mga demands nila,” pagtatapos ni Buenaflor.
Samantala, bagaman wala pang malinaw sa sagot sa kabila ng mga akusasyon kay Alyssa bilang miyembro ng mga armadong grupo na nakaengkuwentro ng AFP, inilahad naman ng Commission on Human Rights (CHR) na magsasagawa sila ng independent investigation sa naganap na insidente.
Anila, bilang pagtugon ito sa pagsasabi ilang mga indibidwal at organisasyon na si inosente umano si Alyssa at kasama pa niya journalist na si RJ Ledesma.
KAUGNAY NA BALITA: Tuesday Vargas, nagluluksa sa pagkasawi ni Alyssa Alano