May 08, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Sino ang pumatay kay Lapulapu?

ALAMIN: Sino ang pumatay kay Lapulapu?
Photo Courtesy: 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines (Website)

Pamilyar na siguro ang marami sa eksena ng Philippine history class mula sa klasikong comedy film na “Michael and Madonna” (1990). 

Sa eksenang ito,  tinanong ng guro sa bidang si Michael, played by Rene Requiestas, kung sino ang pumatay sa bayaning si Lapulapu.

Tinanggap ni Michael ang tanong na ito bilang paratang. “Aba, hindi ako, Sir!” sabi niya. “Kahit mahirap lang kami, hindi ko magagawa ‘yon.”

Mas naging nakakatawa pa ang eksena nang dalhin ni Michael ang ama nito sa school niya para lang patunayan na hindi sila ang pumatay sa bayani ng Mactan. 

Pero sa seryosong usapin, para matuldukan na rin ang iniwang tanong ng pelikula sa mga manonood,  walang nakatala hinggil sa pagkamatay ni Lapulapu ayon sa mga historyador. 

Human-Interest

ALAMIN: Totoo bang may epekto sa mental health ang pagdarasal?

Kailangang alalahanin na nabuhay si Lapulapu sa panahong hindi pa laganap ang pagsusulat sa bansa bilang paraan ng pagtatala sa kasaysayan ng sarili at bayan. 

Bago dumating ang mga mananakop sa kapuluan, dominante ang oral na tradisyon bilang paraan ng pagsasalin ng karunungan, kuwento, at kaugalian.

Kaya sa halip na itanong kung sino ang pumatay, mas magandang sigurong alamin kung paano siya nabuhay. 

Hindi kagaya nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Antonio Luna, Emilio Jacinto, at iba pang bayani, salat sa detalye ang buhay ni Lapulapu sa mga pahina ng kasaysayan.

Kaya hindi rin maiwasang magkaroon ng espekulasyon na hindi totoong tao si Lapulapu at bahagi lang ng malikot na guni-guni ng sambayanang Pilipino. 

Sa katunayan, ayon sa award-winning director na si Lav Diaz, wala umano siyang natisod na pangalang Lapulapu sa pitong taon niyang pananaliksik nang gawin niya ang pelikulang “Magellan,” na inilahok sa 98th Academy Awards for Best International Feature Film.

“Basa ako nang basa, pananaliksik nang todo, parang nakita ko walang Lapulapu. Parang mas malapit sa katotohanan na si Humabon ang gumawa ng lahat,” anang direktor sa isang panayam noong Setyembre 2025.

Ngunit ayon sa kolum ng historyador na si Dr. Xiao Chua, bagama’t maraming gawa-gawang detalye tungkol kay Lapulapu sa pelikula man o komiks, hindi maipagkakaila na totoong tao ang nasabing bayani. 

Patunay umano rito ang nakasaad sa “First Voyage Around the World: 1519-1522: An Account of Magellan's Expedition” ni Antonio Pigafetta na itinuturing bilang primaryang batis sa pag-iral ni Lapulapu.

“Near that island of Zubu was an island called Matan, which formed the port where we were anchored. The name of its village was Matan, and its chiefs were Zula and Cilapulapu,” mababasa sa tala ni Pigafetta.

Batay sa mga pananaliksik, ang “Ci” umano sa pangalan ni Lapulapu ay titulong ikinakabit bilang pamitagan sa isang lalaking maginoo o naghaharing uri noong unang panahon.

Sabi naman ng repormistang si Trinidad Pardo de Tavera, nagmula ang "Ci" sa salitang Sanskrit na nangangahulugang "ginoo.” Hanggang sa naisakatutubo ito at naging "Si." 

Bukod dito, lumitaw din sa mga pahina ng kasaysayan ang katawagang “Kalipulaku” kay Lapulapu.

Gayunman, sa kabila ng manipis na linyang naghihiwalay sa realidad at mito ng pagkatao ni Lapulapu mas mangibabaw sana ang katotohanang nagsilbi siyang inspirasyon sa mga sumunod na bayani ng Pilipinas para pumalag sa anomang banta ng pananakop at pang-aalipin.