Hindi nakatutok si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa darating na halalan sa 2028, bagkus trabaho raw ang pokus ng pangulo, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro.
"Sa ngayon, sa paningin ng Pangulo napakaaga pa pong pag-usapan kung sino po ang tatakbo sa pagkapangulo sa susunod na eleksyon," saad ni Castro sa isang press briefing nitong Lunes, Abril 27.
"Tutok po ang pangulo sa pagtatrabaho, tutok po ang pangulo lalong-lalo na sa nangyayaring sigalot sa Middle East para tuloy-tuloy po ang suplay ng produktong petrolyo sa ating bansa," dagdag pa niya. "Sa lahat ng ayuda na ibibigay ng pangulo at ng administrasyon na ito sa ating mga kababayan, doon po tutok ang pangulo."
"Sa ngayon po, hindi po muna pamumulitika ang pinagkakaabalahan o hindi po focus ng pangulo ang politika sa ngayon, trabaho po muna."
Tinanong din si Castro kung may napipisil na bang kandidato si Marcos para sa eleksyon.
"Hindi ko pa naririnig," simpleng sagot niya.
Kaugnay nito, matatandaang inanunsyo na ni Naga City Mayor Leni Robredo na wala na siyang balak pang kumandidato anomang posisyong pambansa sa 2028 elections.
“Sigurado na ako sa sarili ko na hindi ako magna-national,” anang alkalde.
Basahin: Final na! Leni Robredo, ‘di tatakbo sa national position sa 2028