May 13, 2026

Home FEATURES Trending

EXPLAINER: Iba't ibang charges na nagpataas sa electric bill nitong Abril

EXPLAINER: Iba't ibang charges na nagpataas sa electric bill nitong Abril
Photo courtesy: File photo

Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko ang umano’y mga bagong singil sa billing ng Manila Electric Company o Meralco para sa buwan ng Abril.

Ngunit ayon sa mga paliwanag mula sa sektor ng enerhiya, karamihan sa mga ito ay hindi bago kundi matagal nang ipinapatupad bilang bahagi ng tinatawag na pass-through charges. 

Ang pass-through charges ay mga bayaring hindi kinikita ng Meralco. Sa halip, kinokolekta lamang ito mula sa mga konsyumer at direktang ipinapasa sa gobyerno, power suppliers, at iba pang ahensya.

Sa madaling paliwanag, nagsisilbing tagasingil lamang ang Meralco, habang ang napupuntahang benepisyo o pondo ay para sa iba’t ibang programa at obligasyon na itinakda ng batas.

Isa sa mga madalas mapansin sa bill ay ang Lifeline Rate subsidy.

Trending

KILALANIN: Viral socmed ‘transition king’ na si John Mark Gon na nag-channel sa ‘lihim na kilig’

Ito ay isang programang nagbibigay ng diskwento sa mga low-income households, kabilang ang mga benepisyaryo Pantawid Pamilya Pilipino Program (4PS). Ang pondong ginagamit dito ay nagmumula sa maliit na ambag ng iba’t ibang konsyumer.

Ibig sabihin, ang bawat nagbabayad ng kuryente ay bahagyang nag-aambag upang mabawasan ang bayarin ng mas mahihirap na sektor.

 KAUGNAY NA BALITA: 4Ps beneficiaries na kumukunsumo ng 50kWh, may pa 100% discount sa Meralco—PBBM 

Mayroon ding nakalaang subsidy para sa mga senior citizen na kwalipikado sa diskwento sa kuryente.

Ang halaga ng diskwentong ito ay hindi sinasalo ng Meralco kundi ipinapasa sa lahat ng konsyumer, kaya nagiging bahagi ito ng kabuuang singil sa bill.

Kabilang din sa mga bayarin ang mga charge para sa renewable energy tulad ng Feed-in Tariff Allowance (FIT-All) at Green Energy Auction Allowance (GEA-All).

Ang layunin ng mga ito ay pondohan ang mga proyektong gumagamit ng solar, wind, at iba pang malinis na pinagkukunan ng enerhiya. Sa ganitong paraan, unti-unting isinusulong ang paglipat ng bansa sa mas environment-friendly na power sources.

Ang generation charge ang pinakamalaking bahagi ng buwanang bayarin sa kuryente.

Ito ang halaga ng kuryenteng binibili ng Meralco mula sa mga power plant, kabilang ang gastos sa fuel at iba pang supply agreements. Dahil dito, anumang pagtaas sa presyo ng langis o kakulangan sa suplay ay direktang nakaaapekto sa bill.

Mahalagang tandaan na ang charge na ito ay walang patong ng Meralco at direktang ibinabayad sa mga power supplier.

Ang transmission charge ay bayad para sa paggamit ng national grid na pinangangasiwaan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).Ito ang nagdadala ng kuryente mula sa mga power plant patungo sa mga distribution utility tulad ng Meralco. Tulad ng generation charge, ito rin ay ipinapasa lamang sa konsyumer.

Ang system loss charge ay tumutukoy sa kuryenteng nawawala habang ipinapadala sa mga linya, na maaaring dulot ng technical losses o ilegal na koneksyon.Pinapayagan ito ng regulasyon sa loob ng itinakdang limit, at ang katumbas na halaga ay ipinapasa rin sa mga konsyumer bilang bahagi ng kabuuang singil.

Ito ang bahagi ng bill na direktang napupunta sa Meralco bilang bayad sa kanilang serbisyo.

Saklaw nito ang pagpapanatili ng linya ng kuryente, meter reading, customer service, at iba pang operasyon upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa mga tahanan at negosyo.

Ang universal charges ay koleksyon ng iba’t ibang bayarin na ipinapataw ng pamahalaan para pondohan ang ilang obligasyon sa sektor ng kuryente.

Kabilang dito ang:

Pagbabayad sa utang ng National Power Corporation (NPC)

Missionary electrification para sa mga malalayong lugar

Environmental charges

Sa kabuuan, ipinapakita ng Meralco bill na ang binabayaran ng mga konsyumer ay hindi lamang para sa aktwal na konsumo ng kuryente kundi pati sa iba’t ibang singil na itinakda ng batas, kabilang ang subsidiya at mga programang pang-enerhiya. 

Bagama’t nagmumukhang dagdag na pasanin ang mga ito, karamihan ay ipinapasa lamang at hindi direktang kinikita ng Meralco, kundi ginagamit upang suportahan ang mas malawak na layunin ng sektor ng kuryente at ng pamahalaan. 

MAKI-BALITA: Dagdag-singil sa kuryente, hindi ‘company-imposed bill!’—Meralco