Ipinagmalaki ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Atty. Leila de Lima ang March 2026 Civil Engineers Licensure Examination (CELE) topnotcher na si Engr. Rico Elao, na mula sa Cebu Technological University - Main.
Ayon kay De Lima, si Engr. Elao ay isang monitored child mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
“Patunay ang tagumpay na ito ni Rico sa konkretong naitutulong ng 4Ps sa mga pamilyang mas nangangailangan; sa pagbibigay sa kanila ng pag-asa at kakayahan na maitaguyod ang magandang kinabukasan,” saad ni De Lima.
Aniya, “Sa pamamagitan ng naisabatas nating 4Ps Law (RA 11310) bilang principal author at ng panukala nating palawakin at palakasin pa ang programa (HB No. 1434), hangad natin na marami pang pamilyang Pilipino ang mapapaunlad ang kakayahan, makakaahon sa kahirapan, at produktibong makaambag sa lipunan.”
“Congratulations again, Rico! Ang tagumpay mo at ng marami pang 4Ps beneficiaries ay tagumpay ng buong bansa. Patuloy sana kayong maging inspirasyon hindi lang ng pagsisikap para maabot ang pangarap, kundi pati na rin sa pagtulong sa iba pang nangangailangan,” pagtatapos ni De Lima.
Batay sa kumpirmasyon ng Professional Regulation Commission (PRC), nakamit ni Engr. Elao sa nasabing pagsusulit ang markang 94.10%.
Kasama ni Engr. Elao sa rank 1 ng CELE si Engr. Marc Zendrijk Valdez Pasumbal, na nagmula naman sa Mapua University.
Nakakuha rin si Engr. Pasumbal ng markang 94.10% sa naturang board exam.