Pinatutsadahan ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang umano’y mga operatibang sumusunod sa kaniya sa kanilang lungsod.
Ayon sa naging pahayag ni Duterte sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Abril 28, 2026, sinabi niyang tila sinusundan siya ng lahat ng operatiba sa loob ng Davao.
“VIP na pala ako?’ pagsisimula niya, “Lahat na lang yata ng operatives sinusundan ako sa Davao.”
Banat pa niya, “I feel safe, may security backup na ako.”
Ani Duterte, maraming salamat daw sa mga taong sumusunod sa kaniya at maaari daw umabiso ang mga ito sa kaniya upang maimbitahan niya sa kaniyang tahanan sa Davao.
Tirada pa niya, huwag na raw gumamit ang mga operatibang sumusunod sa kaniya ng Land Cruiser dahil sa mahal ng presyo ng gasolina.
“Sa mga matibay na operatives, next time wag Land Cruiser gamitin nyo. Kawawa naman hiniraman nyo, nakakahiya mahal gasolina. EV na muna gamitin niyo.”
“Nakaka- flatter naman mga ter. Kasi kung ganito ka-dedicated ang surveillance, parang mas updated pa kayo sa schedule ko kaysa sa sarili kong staff,” diin niya.
Ani Duterte, huwag na raw mag-aksaya pa ng papel at oras ang mga bumubuntot sa kaniya dahil handa niya raw bigyan ng meryendang kape, bibingka, siopao, at ketchup ang mga ito sa loob ng kaniyang tahanan.
Giit naman niya, hindi nga lang daw karapat-dapat na makatikim ang mga ito ng alamang na mula sa Danao City.
“Pero sorry di ta mo mahatagan ug ginamos ug kusahos from Danao City kay dili ninyo deserve. Pero may kape, bibingka at suman, may siopao, may ketchup pa. VIP treatment na rin, tutal VIP na rin pala ako sa inyo,” saad niya.
“At kung ito man ay ‘imbestigasyon,’ mukhang ako na yata ang pinaka-alagang binabantayan sa buong bansa. Sana all,” pagtatapos pa niya.
Samantala, wala naman partikular na indibidwal o dahilan na binanggit si Duterte kung sino ang nasa likod ng pagbuntot sa kaniya ng mga operatiba.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Pulong binuweltahan ang Palasyo, DOJ: 'Huwag gawing tanga ang taumbayan!'