February 23, 2026

Home BALITA Probinsya

12-metrong sperm whale, natagpuang patay sa Sarangani

12-metrong sperm whale, natagpuang patay sa Sarangani
Photo courtesy: DENR Soccsksargen (FB)

Wala nang buhay nang matagpuan ang isang babaeng sperm whale malapit sa dalampasigan ng Brgy. Taluya, Glan, Sarangani, noong Linggo, Pebrero 22. 

Ayon sa ulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Soccsksargen nitong Lunes, Pebrero 23, ang nasabing sperm whale ay may habang 12.3 metro, at na-classify bilang “Code 3” o nasa “moderate decomposition,” na indikasyong ilang araw na itong patay.

Ani ng DENR, matapos ang isinagawang masusing obserbasyon at pag-aaral ng resident veterinarian ng Sarangani Bay Protected Seascape (SBPS) at Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR), nakita na posibleng nagmula ang balyena sa Sulu-Sulawesi Marine Ecoregion at inanod lamang sa Sarangani Bay. 

Tiniyak ng DENR na maayos nailibing ang mga labi ng balyena at nakapagtala rin sila ng Global Positioning System (GPS) para sa posibleng muling paghukay ng mga labi nito upang muling mapag-aralan. 

Probinsya

Viral na pusang inihagis sa tulay, ligtas na at hindi buntis!

Ipinanawagan naman ng Protected Area Management Office (PAMO) - SBPS ang pagpapaigting sa proteksyon ng migratory species tulad ng sperm whales sa pamamagitan ng pagpapatatag sa interagency response at koordinasyon sa mga karatig-bansa. 

“PAMO-SBPS emphasized that protecting migratory marine species requires not only strong interagency response but also continued coordination among neighboring countries within shared marine ecosystems. Strengthening regional cooperation is vital to safeguarding marine wildlife throughout connected seas such as the Sulu–Sulawesi region and Sarangani Bay,” ani DENR. 

Samantala, ang sperm whales ay ang itinuturing na “largest toothed whales” sa mundo at kadalasang naninirahan sa malalalim na parte ng karagatan, mula sa equator hanggang sa dulo ng Arctic at Antarctic. 

Sean Antonio/BALITA