Isang 73 taong gulang na lalaki ang nasawi matapos masalpok ng isang pickup truck nitong Miyerkules ng madaling araw, Mayo 20, habang nakapila para sa ₱20/kilo ng bigas sa labas ng opisina ng Department of Agriculture - Bureau of Animal Industry (DA-BAI) sa Quezon City.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, nagtamo ng malalang pinsala sa katawan ang lalaki matapos masagasaan ng truck.
Dinala ito sa ospital ngunit namatay din matapos ang humigit-kumulang isang oras.
Isa namang tindero ang nagtamo rin ng pinsala matapos ang nangyari.
Base sa inisyal na impormasyon, nawalan umano ng kontrol ang driver ng truck habang binabagtas ang Elliptical Road patungong Congressional Avenue.
Patuloy na ikinakasa ng mga awtoridad ang imbestigasyon kaugnay sa insidente.
Arestado na ang driver at nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries, and damage to property.