Umawat ang komedyanteng si Tuesday Vargas sa sukdulang pambabatikos na ipinupukol ng publiko sa mister ni SexBomb Girls member Izzy Trazona na si Alvin Aragon.
Sa isang Facebook post ni Tuesday noong Biyernes, Pebrero 20, umapela siya sa publiko na unawain ang kondisyon ni Alvin sa kabila ng mga hindi magandang sinabi nito.
“Simple lang naman 'yong punto. Halatang-halatang unstable siya. Kailangan niya ng professional help. Kailangan niya ng understanding natin, ng kindness natin,” saad ni Tuesday.
“Kasi has admitted he went through childhood trauma,” pagpapatuloy niya. “May pinagdaanan si Kuya kaya gano'n 'yong worldview niya; gano'n na lang siya kabilis manghusga.”
Dagdag pa niya, “Saka mayro'n siyang ine-exhibit na form of control in everything he says. Hypervigilant din siya so mayro'n siyang trust issues because of the trauma that happened to him.”
Kaya naman hiniling din niya na igalang ang istruktura ng pamilya nina Alvin at kung anong uri ng pagsamama mayroon sa kanila ni Izzy.
Aniya, “Wag nating komentuhan 'yon. 'Yong masasama niyang nasabi, that's also part of his unhealed version that he needs to work on.”
“Valid na nagagalit tayo, may mga reaksiyon tayo sa hindi magandang sinabi...pero we're becoming the very thing that we hate,” dugtong pa ng komedyante.
Matatandaang naging kontrobersiyal si Alvin matapos niyang magbigay ng pananaw sa isang panayam hinggil sa pagiging transwoman ng anak-anakan niyang si Sofia Trazona, na umani ng samu’t saring reaksiyon.
Bukod dito, hinaluan din niya ng malisya ang pangalan, pananamit, at pagtatanghal ng SexBomb Girls na tila hindi umano kaaya-aya sa mata ng Diyos.
Basahin: KILALANIN: Si Alvin Aragon na bina-bash dahil sa misis na si Izzy Trazona, pananaw sa homosexuality