Muling inihayag ni Sen. Robin Padilla ang pagnanais niya sa tambalan nina Vice President Sara Duterte at Sen. Imee Marcos sa susunod na Presidential Elections sa 2028.
Sa ambush interview ng media kay Padilla nitong Miyerkules, Pebrero 18, 2026, tahasang iginiit ng senador ang kagustuhan niyang pagtambalin si VP Sara bilang Pangulo ng Pilipinas habang Bise Presidente naman si Sen. Imee.
“Ayun ang VP ko oh, si Imee,” ani Padilla.
Nang tanungin kung bukas siya na maging running mate ni VP Sara, sagot ng senador, "Hindi po, si Imee ang gusto ko. Ano ako eh, Sara-Imee."
Saad pa ni Padilla, panahon na raw upang maramdaman ng mga Pilipino ang pamumuno ng dalawang babae sa pinakamatataas na posisyon sa gobyerno.
“Panahon na para maramdaman ng mga Pinoy ang girl power,” anang senador.
Dagdag pa niya, matagal na rin daw niyang ipinangangampanya ang tambalang Sara-Imee saang bansa man siya magpunta.
“'Pag ka umiikot ako sa ibang bansa, 'yon lagi sinasabi ko, gusto ko talaga Sara-Imee,” aniya.
Matatandaang nitong Miyerkules nang kumpirmahin ni VP Sara intensyon niyang tumako sa pagka-Pangulo sa 2028.
“I cannot kneel before each and every Filipino to beg for forgiveness,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Instead, I offer my life, my strength, and my future in the service of our nation.”
Saad pa niya, napapanahon na raw na maibalik ang tapat at malasakit para sa bansa.
“Mga kababayan, ibalik natin ang tapang at malasakit para sa Diyos, sa bayan, at para sa bawat pamilyang Pilipino,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!