Patay ang isang mister nang mabaril ng isang pulis na una niyang hinataw ng martilyo at sinaksak matapos na rumesponde at tinangkang umawat sa ginagawa niyang pananakit sa kanyang asawa sa Sta. Ana, Manila nitong Martes ng gabi, Pebrero 10.
Dead on arrival sa pagamutan ang suspek na si Christopher Glenn Miralles, 41, angkas rider, dahil sa tinamong tama ng baril sa katawan habang sugatan din naman ang kanyang misis na si Annabelle, 40, cashier, at ang pulis na rumesponde sa away ng mag-asawa na si Pat. Reygie Pellas.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)- Sta. Ana Police Station 6 (PS-6), nabatid na dakong alas-10:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa Jaime Cardinal Sin Village, sa Punta, Sta. Ana, kung saan naninirahan ang mag-asawa.
Nauna rito, nakatanggap umano ng isang tawag ang pulisya sa 911 at humihingi ng police assistance dahil sa nagaganap na domestic problem sa lugar.
Kaagad namang rumesponde sa lugar sina Pat. Pellas at PCpl Jhonex Castillo dakong alas-9:45 ng gabi at sinamahan ang ginang sa Barangay 898, upang humingi ng barangay protection order laban sa suspek.
Gayunman, dahil kinabukasan pa umano mailalabas ang kautusan ay inihatid na lamang ni Pat. Pellas ang ginang sa bahay, na labis ang takot sa kanyang mister.
Nang maihatid sa gusali ay umalis na ang pulis at iniwan ang ginang.
Gayunman, nang makarating ang ginang sa ikatlong palapag ng gusali ay biglang sumulpot ang suspek at inatake siya ng ilang ulit ngunit nagawa niyang magtatakbo pauwi.
Nang mapadaan naman sa guard house ang pulis, na lulan naman ng kanyang motorsiklo upang bumalik na sana kanyang puwesto, ay inimpormahan siya ng guwardiya na naunang bumalik ang suspek sa bahay kaya't kaagad na bumalik ang pulis upang alamin ang kalagayan ng ginang.
Sa ground floor pa lamang umano ay nakita na ng pulis ang suspek ngunit habang pababa siya ng motorsiklo at kaagad na siyang sinugod ng suspek at hinataw ng martilyo sa ulo at saka sinaksak sa kaliwang tagiliran.
Tinangka umanong umiwas ng pulis ngunit patuloy siyang sinugod ng saksak ng suspek hanggang sa bumagsak siya sa semento.
Dito na napilitan ang pulis na barilin ang suspek upang protektahan ang kanyang sarili.
Rumesponde rin naman sa lugar sina PCpl Oscar Barrios at Pat Dario ay dinala ang suspek sa pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay.
Isinugod rin nila sai Pat. Pellas sa Philippine General Hospital para malunasan.