Isang lider ng sektor ng pangisdaan ang napiling magbigay ng mensahe sa mga magsisipagtapos ng University of the Philippines Visayas (UPV) ngayong taon.
Ipinakilala ng UP Visayas si Pablo Rosales, mas kilala bilang “Ka Pabs,” bilang commencement speaker para sa ika-47 Commencement Exercises ng unibersidad na gaganapin sa Hulyo 10 sa UPV Covered Court sa Miagao Campus.
Si Ka Pabs ay isa sa mga tagapagtatag at kasalukuyang National President ng PANGISDA-Pilipinas (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Mangingisda sa Pilipinas), isang pambansang alyansa ng mga organisasyon ng maliliit at artisanal na mangingisda na itinatag noong 1998. Hawak niya ang naturang posisyon mula pa noong 2016.
Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, naging isa si Rosales sa mga kilalang boses ng grassroots sector na nagsusulong ng pangangalaga sa municipal waters, napapanatiling pangingisda, seguridad sa pagkain, at kapakanan ng mga komunidad ng mga mangingisda sa bansa.
Inaasahang magbibigay siya ng inspirasyon sa mga nagsipagtapos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanyang karanasan at adbokasiya para sa sektor ng pangisdaan.
Samantala, naglabas din ng pagbati ang PANGISDA-Pilipinas para sa pagkilalang natanggap ng kanilang lider.
“Isang makasaysayang pagkilala para sa sektor ng pangisdaan. Binabati namin si Ka Pabs Pablo Rosales at ang buong PANGISDA-Pilipinas. Nawa'y magsilbi itong inspirasyon sa patuloy na pagsusulong ng karapatan, kabuhayan, at seguridad sa pagkain ng sambayanang Pilipino,” pahayag ng organisasyon, sa kanilang Facebook post noong Hulyo 3.
Dagdag pa nila, “Mabuhay ang mga maliliit na mangingisdang Pilipino. Salamat, UP Visayas.”
Ayon sa UP Visayas, maaaring mapanood nang live ang talumpati ni Rosales sa opisyal na Facebook page ng unibersidad sa Hulyo 10, sa ganap na 3:30 ng hapon.