Nilinaw ni Senator-Judge Robin Padilla ang hangarin umano nilang mapayagang tumayo bilang “observer” sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Rodante Marcoleta sa Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Bago kasi nito, nauna nang inirekomenda ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na humiling sa Sandiganbayan ang Senate impeachment court na makadalo sa impeachment trial ang nabanggit na dalawang senador.
Matatandaang opisyal nang inaresto ng mga awtoridad sina Marcoleta, dating congressman na si Mike Defensor, at iba pa matapos maglabas ang Sandiganbayan 3rd Division ng warrant of arrest sa mga nabanggit nitong Lunes, Hulyo 6, 2026.
Nahaharap si Marcoleta sa non-bailable plunder case at tatlo umanong counts sa paglabag sa Presidential Decree No. 46 na nagbabawal sa pagtanggap ng isang opisyal ng mga regalo.
Habang matatandaan ding sumuko naman sa mga awtoridad si Estrada noong Hunyo 1, 2026, kaugnay sa pagkakadawit niya sa pagtanggap umano ng kickbacks sa maanomalyang flood control projects.
Samantala, pinaboran naman ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang naunang apela ni Cayetano.
Sa naging paglilinaw naman ni Padilla, idiniin niyang hinihiling daw nilang kahit tumayo na lang bilang “observer” sina Estrada at Marcoleta kung hindi raw papayagan ng Sandiganbayan na makapag-participate ang mga ito sa naturang impeachment trial.
“Gusto ko lamang pong linawin na ang hinihingi po namin, kung hindi po makapag-participate, dahil sinasabi nga po ay ipinagbabawal na makapag-participate at bumoto si Sen. Jinggoy Estrada at Senate-Judge Marcoleta, ang hinihingi po namin ay makapunta po sila dito bilang observer, hindi lang po basta monitor,” ani Padilla.
Tila hindi naman tumanggi ang tumatayong presiding officer ng impeachment trial na si Senator-Judge Chiz Escudero at tiniyak niyang mapapag-usapan umano ng Senate Impeachment Court sa tamang panahon ang apela ng mga naunang Senator-Judge.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin Padilla tungkol sa legal terms: 'Humingi ako ng tulong sa Google'
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Pia Cayetano: Edi tawagan ninyo po ang Malacañang... mukha namang very supportive sila sa majority