Sa pagputok ng shooting incident sa pampublikong eskwelahan sa Tacloban City, Leyte noong umaga ng Hunyo 22 na kinasangkutan ng dalawang menor de edad, nagbukas ito ng diskusyon sa mga usapin na dati na rin namang tinatalakay gaya ng pagpapababa sa edad ng criminal responsibility.
Umugong din ang debate tungkol sa kung dapat bang ipagbawal sa kabataan ang pagkonsumo ng social media.
Maki-Balita: Radicalization ng internet sa kabataan, ‘di na kailangang pag-aralan?—Sen. Robin
Sa katunayan, iminumungkahi ng Philippine Pediatric Society (PPS) sa publiko na hindi raw dapat gumagamit ng social media ang mga batang edad 16 pababa nang walang gabay ng nakakatanda.
Ayon pa sa Philippine Society for Developmental and Behavioral Pediatrics (PSDBP), ang anxiety, emotional dysregulation, sleep disturbance, at paglala ng ugali ay kabilang sa mga nasasaksihan nilang resulta sa mga batang sobra-sobrang gumagamit ng social media.
Maki-Balita: Mga batang edad 16 pababa, 'di dapat magkaroon ng 'unsupervised socmed access’—PPS
Hindi rin nakaligtas sa usapin ang papel na ginagampanan umano ng violent video games sa pagiging marahas ng ilang kabataan, tulad ng dalawang suspek sa Tacloban.
Pero tinutulan ito ng marami, partikular ang mga nasa gaming community. Maging si Sen. Bam Aquino, na isang gamer, ay sinabing mas dapat tutukan ang pagpapatupad ng age restrictions sa mga laro kaysa ganap itong ipagbawal.
Lumilitaw rin sa resulta ng pag-aaral na ginawa sa Amerika nina Patrick M. Markey, Charlotte N. Markey, at Juliana E. French, na wala umanong kinalaman ang video games sa pagiging bayolente.
“Contrary to the claims that violent video games are linked to aggressive assaults and homicides, no evidence was found to suggest that this medium was a major (or minor) contributing cause of violence in the United States,” saad sa pag-aaral.
Ngunit tila ibang kaso kung ang nilalaro ng bata ay online games. Batay sa Police Regional Office 8 (PRO-8), lulong umano sa online gaming app na “GoreBox" ang isa sa mga estudyanteng namaril sa nasabing paaralan.
Ang "GoreBox" ay isang chaotic physics-driven sandbox kung saan nagtatagpo ang creativity at destruction.
Dahil dito, ipinatupad ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) noong Hunyo 23, ang pansamantalang pagbabawal sa naturang online gaming app.
Maki-Balita: CICC, pansamantalang ipagbabawal ang ‘GoreBox’
“We are blocking Gorebox temporarily as a precautionary measure pending the investigation. Within the day, expect the app to be blocked,” saad ni CICC Usec. Aboy Paraiso.
Kaya naman nagpatawag na rin ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa pangunguna ni Sen. Risa Hontiveros para magsagawa ng imbestigasyon sa “GoreBox.”
Bagama’t tumanggi ang developer ng “GoreBox” na dumalo si Felix Filip, itinuloy pa rin ng komite ang pagdinig.
Maki-Balita: ‘Mananagot din sila!’ Sen. Risa, nadismaya sa pagtanggi ng GoreBox developer
Sa kalagitnaan ng hearing, kinumpirma ni Usec. Paraiso na konektado sa nihilistic violent extremist (NVE) groups sa mga naiulat na karahasan sa paaralan sa Pilipinas.
Kaya nilinaw niyang ang pangunahing dahilan kung bakit umano ipinagbawal sa Pilipinas ang “GoreBox” ay hindi dahil sa impluwensiya ng mismong laro sa suspek sa Tacloban; kundi upang mapigilan ang mga extremist group na maisakatuparan ang masasama nitong balak sa pamamagitan ng naturang platform.
Maki-Balita: CICC, pansamantalang ipagbabawal ang ‘GoreBox’