Umani ng papuri mula sa mga netizen ang isang motorcycle rider matapos niyang tulungan ang isang lalaking nagmamadaling makarating sa ospital upang puntahan ang kaniyang lola na kalauna’y pumanaw na.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng netizen na si Emerson Empases sa isang Facebook group ang kaniyang taos-pusong pasasalamat sa rider na naghatid umano sa kaniya nang libre patungong Quirino Memorial Medical Center sa gitna ng kaniyang matinding pangangailangan.
Ayon kay Emerson, nagmamadali siyang makarating sa ospital matapos makatanggap ng balitang pumanaw na ang kaniyang lola. Ngunit dahil kapos siya sa pamasahe, napilitan siyang makiusap sa rider na kaniyang napara sa kalsada.
“Gusto ko lang po magpasalamat dito kay Kuya rider sa pagsakay sa akin ng libre papuntang Quirino Memorial Hospital. God bless po, Kuya. Maraming-maraming salamat po ulit,” ani Emerson sa kaniyang post.
Ikinuwento rin niyang hindi na niya nagawang makapagpasalamat nang maayos dahil sa pagmamadali at emosyon na kaniyang nararamdaman noong mga oras na iyon.
“Nagmamadali po kasi ako kaya hindi na ako nakapagpasalamat nang maayos. Mabuhay po kayo, napakabait n’yo po,” dagdag niya.
Ayon pa kay Emerson, ipinaliwanag niya sa rider ang kaniyang sitwasyon at ang dahilan kung bakit wala siyang sapat na pamasahe.
“Pinara ko po kasi siya at nakiusap po ako kasi yung lola ko po namatay na, eh na-short po ako sa pamasahe. Si Kuya po hindi nagdalawang-isip,” aniya.
Dahil sa kabutihang-loob na ipinakita ng rider, hiniling ni Emerson sa mga nakakakilala rito na maiparating ang kaniyang pasasalamat.
“Sa mga nakakakilala po sa kaniya, sana po ay maiparating n’yo sa kaniya. Salamat po. God bless po,” saad pa niya.
Marami namang netizens ang naantig sa kuwento at nagpahayag ng paghanga sa rider, na sa kabila ng pagiging isang simpleng manggagawa ay nagawang mag-abot ng tulong sa isang taong dumaraan sa mabigat na pagsubok, lalo na sa panahon ngayong napakahirap ng buhay.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Emerson, ikinuwento niyang taga-Pasig City siya at sa Quezon City naman siya nagtatrabaho bilang isang housekeeper.
Labis daw ang pasasalamat niya sa motorcycle rider na nakilala niya sa pangalang "Kuya Junar."
Hindi raw siya makapaniwalang may mga kagaya pa ni Kuya Junar na sa kabila ng hirap ng buhay, lumalaban nang patas, at nagagawa pang tumulong sa kapwa.
"Bihira po ang ganoong tao, naalala ko ang lolo ko at lola ko sa kaniya," aniya.
"Kasi maski sila, kapag may pumupunta sa bahay namin dati at humihingi ng pagkain, hindi po sila nagdadalawang-isip na magbigay," dagdag pa niya.
"Libre lang po talaga niya akong isinakay, nagmagandang-loob lang po talaga si Kuya Junar," aniya pa.
Para sa marami, nagsisilbing paalala ang pangyayaring ito na sa panahon ng kalungkutan at kagipitan, may mga taong handang tumulong nang walang hinihintay na kapalit.