Iginawad na ng TV host, aktres, at singer na si Karla Estrada ang basbas niya para sa anak niyang si Kapamilya star Daniel Padilla sakaling gustuhin na nitong lumagay sa tahimik na buhay.
Sa isang media conference na ginanap kamakailan, naurirat si Karla kung maaari na bang magpasan ang anak niya ng sarili nitong pamilya.
Sagot niya, “Anytime, kung gusto niya, matagal na.”
Bagama’t hindi tiyak si Karla kung kailan niya eksaktong pinayagan si Daniel, nagsimula raw ito noon pang bago dumating ang pandemya.
Katwiran niya, matanda na raw mag-isip ang kaniyang anak at maraming mga ideya. Kaya responsableng tao.
“At 15, nasa industriya na siya. At a very young age, alam na niya na ako lang ‘yong nandito mag-isa. So, nakakatulong din na ‘yong mga anak natin, mulat sa totoong buhay na meron ang pamilya niya,” saad ni Karla.
Dagdag pa niya, “Hindi ko binuhay ‘yong mga anak ko sa pagkukunwari.”
Sa kasalukuyan, si Kaila Estrada ang nauugnay na babae sa buhay ni Daniel matapos ang higit isang dekadang relasyon nila ng dati niyang ka-love team na si Outstanding Asian Star Kathryn Bernardo.
Maki-Balita: Daniel Padilla, Kaila Estrada mag-jowa na, ispluk ni Ogie Diaz