May 22, 2026

Home BALITA

Mali ang kwento? Video ng vlogger na nagpahabol sa pump attendant, tinabla ng abogado!

Mali ang kwento? Video ng vlogger na nagpahabol sa pump attendant, tinabla ng abogado!
Photo courtesy: Contributed photo

Iniimbestigahan ng Land Transportation Office (LTO) ang kumalat na video kung saan makikitang hinahabol ng isang lalaki ang isang SUV, kasunod ng mga ulat na umano’y tumakas ito nang hindi nagbayad ng gasolina.

Nauna nang naglabas ang LTO ng show cause order laban sa tatlong sakay ng sasakyan at sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng driver batay sa alegasyon ng “gas station theft.”

KAUGNAY NA BALITA: Vlogger na nandogshow ng pump attendant, binggo sa LTO!

Gayunman, kinontra ng isang malapit na kaibigan ng dating alkalde ng Allacapan na si Harry Florida ang naturang bersyon ng insidente. Umugong ang pangalan ng dating mayor bunsod umano ng pagkakaugnay niya sa gasolinahang sinasabing tinakbuhan sa viral video.

Ayon sa abogadong si Roger Real Paz, hindi umano matandang gas attendant ang lalaking nasa video kundi isang 44-anyos na kakilala nilang si “Tyson.” 

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

“Ang nangyari po ganito. Natapos yung meeting namin doon sa gasolinahan. Umalis kami para magmeryenda. Si Tyson, nandoon pero malayo sa lugar namin. Noong paalis na kami, naghabol ‘yan kasi gusto n’ya na sumama sa meryenda namin. Ngayon, dahil kababata namin ito — si Tyson kasi parang kapatid namin, kalaro at kasa-kasama namin — hinabol n’ya kami hanggang sa sumakay na rin siya sa sasakyan. Yun po yung pangyayari doon,” paliwanag ni Paz.

Dagdag pa ng abogado, magkakalapit umano ang mga taong sangkot sa insidente.

“Siya (si Tyson) ay buddy-buddy namin. Ganun po ka-close ang relasyon nila kasi si Tyson ay lumaki sa kanila. Dahil buddy-buddy na n’ya noong bata pa siya,” aniya.

Ipinunto rin ni Paz na walang sapat na basehan ang naging aksyon ng LTO laban sa driver.

“Wala pong legal basis yun. Kahit saan mo halughugin sa batas ng LTO, under RA 4136. Dito sa pangyayaring ito, walang nilabag na batas yung driver. As a matter of fact, walang reckless driving,” giit niya.

Iginiit din nito na wala umanong hurisdiksyon ang LTO sa naturang insidente dahil walang naganap na paglabag sa batas-trapiko.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang mga awtoridad kaugnay sa mga naturang pahayag, habang tumanggi ring magkomento ang dating alkalde.