May 20, 2026

Home BALITA

Vlogger na nandogshow ng pump attendant, binggo sa LTO!

Vlogger na nandogshow ng pump attendant, binggo sa LTO!
Photo courtesy: File photo

Hindi pinalampas ng Land Transportation Office (LTO) ang viral video ng isang vlogger matapos ang ginawa niyang prank sa isang matandang pump attendant sa isang gasolinahan.

Sa inilabas na pahayag ng LTO nitong Lunes, Abril 20, 2026, inihayag nila ang paglalabas ng show cause order laban sa driver, may ari ng sasakyan at vlogger na magtungo sa kanilang tanggapan at ipaliwanag ang naturang insidente.

"Hindi katanggap-tanggap na gawing biro o content ang isang sitwasyong malinaw na naglalagay sa kapwa sa panganib. Lalo na sa panahong nararanasan natin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, ang ganitong uri ng asal ay hindi lamang iresponsable, kundi nagpapakita rin ng kawalan ng malasakit,” ani LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao inilabas na pahayag ng LTO.

Inatasan din ng LTO na isuko ng driver ang kaniyang lisensya na nakatakdang isailalim sa 90 araw na suspensyon habang ang sasakyan namang ginamit na pang-prank ay naka-alarm status.

Saad pa ni Lacanilao, hindi raw nakakatuwa ang viral video at mariin niyang iginiit na hindi na dapat pang tularan ang ganoong klase ng content.

National

Malalakas na bagyong dulot ng habagat, Super El Niño posible sa Hunyo hanggang Agosto!—PAGASA

"Hindi ito nakakatuwa at lalong hindi ito dapat tularan. Ang paggamit ng sasakyan ay may kaakibat na pananagutan, at pananagutan ding gamitin ito nang may paggalang sa kapuwa at sa batas," saad pa ni Lacanilao.

Matatandaang usap-usapan sa social media ang hindi pa tukoy na pagkakakilanlan na vlogger matapos niyang i-content ang prank na takbuhan ang isang matandang pump attendant sa gitna ng tirik na araw.

Ayon sa netizens, tila nahati na rin daw ang naratibo ng naturang content. May ilang nagsasabi na kakilala umano ng vlogger ang matanda at scripted lang ang kumakalat na video.

May ilang bersyon ding nagsasabing pagmamay-ari umano ng vlogger ang gasolinahan at niloloko lamang ang matandang pump attendant.

Sa kabila nito, maraming netizens ang nananawagang dapat mapanagot ang driver at vlogger ng sasakyang nagpahabol sa naturang matandang pump attendant.

KAUGNAY NA BALITA: Vlogger na nag-prank at pinahabol matandang pump attendant, kinuyog online!