May 21, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Ano ang pagkakaiba ng mundo, daigdig, at sanlibutan?

ALAMIN: Ano ang pagkakaiba ng mundo, daigdig, at sanlibutan?
Photo courtesy: Unsplash


Kamakailan lamang, naging maugong na naman ang mga salitang “Earth” at “World,” matapos ang matagumpay na space exploration at lunar flyby ng Artemis II.

Dahil dito, nabigyang-pansin na naman ang ganda at rikit ng planetang pinaglalagian ng lahat ng tao.

Ngayong Miyerkules, Abril 22, ginugunita naman ang Earth Day, isang selebrasyon para sa patuloy na pagsuporta sa kalikasang nakapaloob dito.

Ngunit sa karaniwang usapin, kapag pinag-uusapan ang planetang “Earth,” maraming mga salita ang ginagamit bilang salin nito sa wikang Filipino.

Malimit na gamitin ang mga salitang mundo, daigdig, at sanlibutan.

Ano ba ang nararapat na gamiting termino sa ating Mundo? Daigdig? Sanlibutan?

Ayon sa KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino, iba-iba ang pakahulugan ng mga salitang nabanggit.

- Mundo

Ayon sa KWF, ang salitang mundo ay isang pangngalan, na Espanyol ang pinagmulang wika.

Ang kahulugan nito ay buong kalawakan ng lupa at ang lahat ng matatagpuan dito.

Samakatuwid, ang lahat ng nabubuhay at hindi nabubuhay na mga elemento sa loob ng planeta ay tinatawag na mundo.

Ilan sa mga paglalapi ng salitang ito ang mga salitang kamunduhan, makamundo, at iba pa.

- Daigdig

Ayon sa parehong source, ang daigdig naman ay may sariling pakahulugan sa usapin ng astronomiya.

Anang KWF, ito raw ay ang planetang tinitirhan ng sangkatauhan at iba pang may buhay.

Tumutukoy rin daw ito sa ikatlong planetang makikita sa “Solar System,” base sa lapit nito sa araw.

Ilan lamang sa mga paglalapi nito ay ang sandaigdigan, pandaigdig, at pandaigdigan.

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

- Sanlibutan

Batay sa parehong diksiyonaryo, ang salitang sanlibutan ay isang pangngalan, na may salitang-ugat na sanlibot.

Maiuugnay ang kahulugan nito sa salitang “uniberso,” o universe sa Ingles.

Base sa depinisyon nito, ito ay ang kabuuan ng mga umiiral na bagay at ang espasyong nasasakupan na kinalalagyan ng daigdig at lahat ng iba pang hindi mabilang na láwas.

Mahalagang maunawaan ang pagkakaiba-iba ng tatlo, upang magamit ang mga nasabing salita sa tama nitong gamit.

Isa pa, ano pa man ang katawagan, importanteng pahalagahan ang planetang nagsisilbing tahanan ng lahat.