Tiniyak ng tumatayong Lead Defense Counsel ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman na nakahanda raw siyang ipaglaban nang matindi ang kaniyang kliyente laban sa mga kinakaharap na kaso nito sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa inupload na video ng Duterte supporter na si Alvin Sarzate o mas kilala bilang “Alvin & Tourism” sa panayam nila kay Kaufman sa The Hague, Netherlands, noong Miyerkules, Abril 22, 2026, mapapanood na inusisa siya ng media kung may nakahanda ba raw siyang maraming plano para depensadahan si FPRRD.
“Given that you’re Nicholas Kaufman, I know that you already have a plan B, if not, plan C in place,” usisa sa kaniya ng media.
Biro niya, “I have a plan X.”
Ani Kaufman, plano raw niyang ipaglaban nang matindi sa abot ng kaniyang makakayanan si FPRRD na siyang nirerespeto ng marami.
“To fight as hard as we can for the former President of the Philippines. Who we all respect,” diin niya.
Pagbibida pa niya, si FPRRD daw ang naging pinakakilalang Pangulo sa kasaysayan ng Pilipinas.
“The most popular President ever in the history of the Philippines,” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, matatandaang ibinasura ng ICC Appeals Chamber noong Miyerkules, Abril 22, 2026, ang apat na jurisdiction challenge ni FPRRD at pinagtibay nila ang naunang desisyon na tumangging kilalanin ang pagtutol ni Duterte sa kapangyarihan ng ICC.
Sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ng ICC kung kukumpirmahin ang mga sakdal laban sa dating pangulo at itutuloy ang paglilitis, o kung ititigil ang proseso o mag-uutos ng karagdagang imbestigasyon.
KAUGNAY NA BALITA: 4 na jurisdiction challenge ni FPRRD, 'di nakaporma sa ICC Appeals Chamber!
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD 'big catch,' 'di madaling pakakawalan ng ICC—Atty. Kaufman