Ibinasura ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber ang apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng hurisdiksyon ng korte sa mga kasong isinampa laban sa kaniya.
Sa pagdinig nitong Miyerkules, Abril 22, 2026, ipinagtibay ng Appeals Chamber ang naunang desisyon na tumangging kilalanin ang pagtutol ni Duterte sa kapangyarihan ng ICC na dinggin ang mga kasong idinidiin laban sa kaniya.
Ayon sa pahayag ng hukuman, “The Appeals Chamber, by majority… has rejected all four grounds of appeal. Having rejected the entire appeal, the Appeals Chamber considers that the defense’s request for the immediate and unconditional release of Mr. Duterte is moot.”
Dagdag pa sa desisyong binasa ni Judge Luz del Carmen Ibañez Carranza, “In the present case, the Appeals Chamber, by majority, confirms the impugned decision.”
Hindi dumalo si Duterte sa naturang pagdinig matapos niyang hilingin na hindi na personal na humarap. Kinatawan siya ng kanyang mga abogado na sina Atty. Nicholas Kaufman at Atty. Dov Jacobs.
Nauna nang ibinasura ng ICC Pre-Trial Chamber I ang hamon ni Duterte sa hurisdiksyon ng korte, na nagsabing nagsimula ang paunang pagsusuri ng prosekusyon bago pa man opisyal na umatras ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.
Matatandaang inaresto si Duterte noong Marso 2025 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kaugnay ng mga alegasyong pagpatay at tangkang pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga.
Sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ng ICC kung kukumpirmahin ang mga sakdal laban sa dating pangulo at itutuloy ang paglilitis, o kung ititigil ang proseso o mag-uutos ng karagdagang imbestigasyon.
Ayon sa opisyal na datos ng pamahalaan, mahigit 6,000 katao ang nasawi sa police operations mula 2016 hanggang 2021. Gayunman, iginiit ng ilang human rights groups na mas mataas umano ang aktuwal na bilang dahil sa mga hindi naitalang insidente.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Unang anibersaryo mula sa pagtugis ng ICC kay FPRRD hanggang sa pagdinig ng confirmation of charges