Naglabas ng paglilinaw ang G Productions kaugnay ng kumakalat na video ni Popstar Royalty Sarah Geronimo kung saan pabirong tila hinihikayat niya ang publiko na iboto siya sa susunod na eleksyon.
Ayon sa pamunuan, ang naturang video ay kuha mula sa isang live event kung saan pabirong sinabi ng Popstar Royalty sa audience, bilang bahagi ng kaniyang closing spiel, na iboto siya sa susunod na halalan.
Bukod sa lumikha ito ng ingay na baka kakandidato siya sa 2028, nagkaroon pa ng intrigang baka "subtle way" daw na pag-endorso ito sa katukayo niyang si Vice President Sara Duterte, na nauna nang nagpahayag ng interes niyang tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 presidential elections.
Sa inilabas na opisyal na pahayag sa kanilang social media platforms, nilinaw ng G Productions na isa lamang itong magaang sandali para sa kasiyahan at crowd interaction, at wala itong anumang kinalaman sa planong pagpasok ni Sarah sa politika.
"We have seen a few clips making the rounds suggesting that Sarah is gearing up for the next election, or at least testing the waters," anila.
"For context: the video came from a live event where, as part of her closing spiel, Sarah playfully asked the audience to vote for her in the next election. It was a lighthearted moment meant purely for fun and crowd interaction," dagdag pa.
Saad pa nila, nais lamang nilang ma-enjoy ng publiko ang nasabing sandali at huwag lagyan ng political color ang isang simpleng biro sa entablado.
"Sarah is exactly where she wants to be — on stage, doing what she loves, and inspiring people through her talent and artistry," anila.
"We kindly ask everyone to enjoy the moment for what it was and resist adding any political color to an onstage joke," pahayag pa.