Pormal na ipinamahagi ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region ang 40 hearing aids sa mga bata mula sa Unang Distrito ng Pangasinan nitong weekend, bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya ng ahensya para sa inklusibo at maka-batang serbisyong pangkalusugan.
Anang DOH, layunin ng aktibidad na tugunan ang kapansanan sa pandinig sa mga bata, na isa sa mga pangunahin, ngunit madalas na hindi agad natutuklasang kondisyon na maaaring makaapekto sa pag-unlad ng pananalita, kakayahang matuto, at pakikisalamuha kapag hindi naagapan.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni DOH Ilocos Regional Director Dr. Paula Paz M. Sydiongco ang kahalagahan ng maagap na interbensyon, at sinabing ang epekto ng hearing loss sa kabataan ay hindi lamang usaping pangkalusugan kundi may pangmatagalang implikasyon sa kanilang kinabukasan.
“Mahalaga ang pandinig sa paglaki at pag-unlad ng isang bata. Kapag hindi agad natugunan ang problema sa pandinig, naaapektuhan ang pagkatuto, kakayahan sa paaralan, at maging ang tiwala sa sarili. Hindi lamang hearing aids ang aming ibinibigay, kundi mas magandang pagkakataon para matuto, makipag-usap, at magtagumpay,” ayon kay Sydiongco.
Dagdag pa niya, prayoridad ng DOH ang mga bata dahil ang maagang pagtuklas at tamang pamamahala ay nagbibigay ng pinakamataas na balik sa kalusugan at kaunlaran, alinsunod sa layunin ng DOH sa preventive, promotive, at pantay na serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng Universal Health Care (UHC).
Nabatid na kabilang sa mga benepisyaryo ng proyekto ay may edad 3 hanggang 18 taong gulang mula sa mga bayan ng Tayug, San Nicolas, Sta. Maria, Rosales, Umingan, Balungao, Natividad, San Quintin, San Manuel, at Asingan.
Naging posible ang pamamahagi ng hearing aids sa tulong ni Congresswoman Marlyn Primicias-Agabas, na binigyang-diin na hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa kakayahang pinansyal upang makakuha ng mahahalagang assistive devices.
“Maraming pamilya ang hindi kayang bumili ng hearing aids, ngunit napakalaki ng naitutulong ng mga ito sa buhay ng mga bata. Tinitiyak nating hindi sila mapag-iiwanan dahil lamang sa kakulangan. Ito ay pamumuhunan sa kanilang kinabukasan—kung saan mas mahusay silang matuto, malayang makipag-usap, at maabot ang kanilang buong potensyal,” pahayag ni Rep. Agabas.
Ang pamamahagi ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng DOH Ilocos Region na palakasin ang access sa specialty care sa antas ng komunidad, lalo na para sa mga bulnerableng sektor tulad ng mga batang may kapansanan. Ang mga benepisyaryo ay natukoy sa pamamagitan ng local health units at screening activities upang matiyak na ang tulong ay napupunta sa mga higit na nangangailangan.
Muling iginiit ng DOH at ng Tanggapan ng Kongresista ang kanilang pangako sa pagpapatuloy ng magkatuwang na programa na nagtataguyod ng inklusibong serbisyong pangkalusugan, lalo na ang mga interbensyong sumusuporta sa mga bata sa kanilang pinaka-kritikal na yugto ng paglaki at pag-unlad.