Patay ang dalawang angkas habang sugatan naman ang driver ng isang motorsiklong patawid sana sa intersection matapos ma-hit-and-run ng rumagasang van sa Tayabas, Quezon.
Nangyari ang naturang insidente pasado 9:32 ng umaga base sa kuha ng CCTV sa Barangay Lakawan, Tayabas City, Quezon, noong Lunes, Pebrero 9, 2026.
Sa naturang video, na viral na sa social media, mapapanood na tumilapon ang tatlong sakay ng motorsiklo nang patawid na sana ito sa kalsada at mabundol ng humaharurot na van.
Sa halip tumigil, mapapanood na nagtuloy-tuloy sa pagmamaneho ang driver ng nakabunggong van habang nakahilata na sa sahig ang mga sakay ng motorsiklo.
Nasawi naman ang dalawang angkas ng nabundol na motorsiklo dahil sa mga natamong injury sa insidente habang nagpapagaling na sa ospital ang driver nito.
Ayon naman sa inilabas na pahayag ng Land Transportation Office (LTO) Region 4A Calabarzon sa kanilang Facebook page noon ding Lunes, sinabi nilang agad na hinabol at naaresto ng mga awtoridad ang nasabing nag-hit-and-run na van.
Mabilis din umano silang naglabas ng Show Cause Order laban sa driver at sa rehistradong driver ng nasabing van upang makapagsumite ang mga ito ng verified comment o paliwanag kung bakit hindi raw dapat managot ang mga ito sa kasong administratibo.
“Ang opisina sa ilalim ng pamumuno ni LTO Calabarzon Regional Director Elmer J. Decena, ay agad na naglabas ng Show Cause Order laban sa driver at sa rehistradong may-ari ng van. Inaatasan ang mga ito na magsumite ng verified comment o paliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa mga kasong administratibo kaugnay ng insidente,” mababasa sa caption ng LTO Region 4A Calabarzon.
Anila, posibleng maharap sa mga kasong paglabag sa reckless driving, posibleng colorum operation, paglabag sa mga patakaran sa operasyon ng sasakyan, at posibleng kanselasyon o pagbawi sa lisensya ng driver.
Bilang paunang hakbang, pansamantala na umanong sinuspinde ng LTO ang lisensya ng driver sa loob ng 90 na araw at isinailalim na rin ang naturang van sa alarm status upang maiwasan na itong gamitin, maibenta, o ilipat ang pagmamay-ari nang walang pahintulot ng LTO.
Samantala, hindi naman na nagbigay ang LTO ng pagkakakilanlan ng driver ng van at mga naging biktima ng naturang insidente.
Mc Vincent Mirabuna/Balita