Nakatutok ang atensyon ng publiko sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso noong mga nakaraang araw.
Nagsimula sa paglitaw ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na kalahating taong lumiban sa mga sesyon, na sinundan ng balasahan ng liderato.
Naging minority ang mga noo’y nasa Senate majority bloc. Matapos ang walong buwan, tuluyang naagaw ni Sen. Alan Peter Cayetano kay Sen. Tito Sotto III ang posisyon ng Senate President.
Ngunit dahil sa nangyaring kaguluhan sa Senado noong Miyerkules ng gabi, Mayo 13, muling umugong ang bali-balitang kudeta. Mapapalitan na ba agad si Cayetano sa Lunes, Mayo 18, na mag-iisang linggo pa lang sa bago niyang puwesto?
Siya na ba ang hahalili sa titulong hinahawakan ni dating Sen. Camilo Osias bilang Senate President na may pinakamaikling panunungkulan sa kasaysayan ng Pilipinas?
SINO SI SEN. OSIAS?
Isang manunulat, edukador, at politiko si Osias na isinilang sa Balaoan, La Union noong Marso 28, 1889. Anak siya nina Manuel Osias at Gregoria Olaviano.
Kabilang siya sa mga napili ng gobyerno na ipadala sa Amerika para maging iskolar. Nakuha niya ang kaniyang diploma bilang guro sa Illinois State Teacher’s College noong 1905. Nag-aral din siya sa Columbia University sa ilalim ng programang Bachelor of Arts.
Bitbit ang kaniyang mga karanasan at napag-aralan, nagsilbing classroom teacher si Osias hanggang sa maging kauna-unahang division superintendent ng mga paaralan sa Pilipinas mula 1915 hanggang 1916.
Bukod dito, nagsilbi rin siyang Assistant Director of Education, lecturer sa University of the Philippines, inaugral president ng National University.
Nakapagsulat din si Osias ng ilang kilalang libro tulad ng "Philippine Readers," "The Filipino Way of Life," at Jose Rizal: His LIfe and Times."
Samantala, bilang politiko, masasabing nagsimula ang karera niya rito noong maging kasapi siya ng kauna-unahang Independence Mission sa Amerika at naglingkod bilang resident commissioner sa US Congress.
Una nahalal si Osias bilang senador sa senatorial district noong 1925. Simula noon, makailang ulit siyang sinuportahan ng taumbayan sa lehislatura—assemblyman siya noong 1935, at senator-at-large naman noong 1947.
Hanggang sa noong Abril 17, 1952, iniluklok siya bilang Senate President. Ngunit tumagal lang ng halos dalawang linggo ang kaniyang panunungkulan. Bumaba rin siya sa puwesto noong katapusan ng Abril.
Gayunman, binoto pa rin naman si Osias ng taumbayan bilang senador noong 1961. Pumanaw siya noong Mayo 20, 1976.