May 17, 2026

Home BALITA Internasyonal

Muling pagkalat ng Ebola disease, isa nang ‘international concern’ – WHO

Muling pagkalat ng Ebola disease, isa nang ‘international concern’ – WHO
Photo courtesy: Unsplash

Itinaas na ng World Health Organization (WHO) bilang “public health emergency of international concern” ang muling pagkalat ng Ebola disease. 

Batay sa inilabas na pahayag ng WHO nitong Linggo, Mayo 17, batay sa kanilang tala noong Sabado, Mayo 16, ang Ebola disease, na dulot ng Bundibugyo virus,  ay mayroon ng walong laboratory-confirmed cases, 246 suspected cases, at 80 suspected deaths, sa Ituri Province, Democratic Republic of Congo (DRC), partikular sa tatlong health zones, kabilang ang Bunia, Rwampra, at Mongbalu. 

Sa hiwalay pang pahayag ng WHO, nakumpirma ng DRC ang Ebola outbreak noong Biyernes, Mayo 15, kung saan ang mga pasyente ay nakitaan ng mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, panghihina, pagsusuka, at bleeding o pagdurugo. 

May iba ring kaso na mabilis ang kanilang pagkasawi dahil sa pagiging malala ng sakit. 

Sa kasalukuyan, ipinapayo ng WHO sa bansa na i-activate ang kanilang national disaster o emergency management mechanisms, kabilang dito ang mas pinaigting na surveillance na kinabibilangan ng contact tracing, infection prevention and control (IPC), risk communication, community engagement, laboratory diagnostic testing, at case management. 

Internasyonal

Xi Jinping, pabor ding mabuksan ang Strait of Hormuz!—Trump

Hinggil naman sa border health, travel, at malawakang pagtitipon, hinihikayat ng WHO ang bansa na magkaroon ng cross-border screening at screening sa kanilang mga kalsada upang matiyak na walang kaso ng Ebola disease ang makaligtaan. 

Ipinapayo rin ng WHO na ipagbawal ang international travel ng mga may contact o kaso ng Bundibugyo virus at anumang kumpirmadong kaso nito ay dapat agad ma-isolate at magamot. 

Sa kabila nito, tiniyak naman ng WHO na ito ay hindi pa maituturing na isang pandemic emergency.