May 22, 2026

Home BALITA Probinsya

3-anyos na bata, todas sa hampas ng kawayan at inihataw pa sa semento ng sariling lolo!

3-anyos na bata, todas sa hampas ng kawayan at inihataw pa sa semento ng sariling lolo!
Photo courtesy: Unsplash

Patay ang isang tatlong taong gulang na bata matapos umanong saktan ng sarili nitong lolo sa loob ng kanilang bahay sa Pozorrubio, Pangasinan noong Huwebes, Mayo 14, 2026.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, isinugod pa sa ospital ang bata ngunit kalauna’y idineklarang dead on arrival. Lumabas sa medical findings na nagtamo ito ng traumatic brain injury.

Naaresto naman kinabukasan, Biyernes, Mayo 15, ang 57-anyos na suspek na siyang nag-aalaga umano sa bata habang nasa trabaho ang mga magulang nito.

Ayon sa ina ng biktima, karaniwan nilang iniiwan ang kanilang anak sa ibang kamag-anak tuwing pumapasok sila sa trabaho, ngunit nagkataong sa biyenan niya ito naiwan noong araw ng insidente.

“Maaga po yung duty ko kaya sabi ko sa biyenan ko iwan ko sa kaniya kasi rest day niya rin po,” pahayag ng ina.

Probinsya

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!

Sa ulat ng pulisya, hinihinalang pinaghahampas umano ng kawayan ng suspek ang bata at saka iniuntog sa sementadong bahagi ng bahay habang walang ibang nakakakita sa pangyayari.

Napag-alaman din na naglalaba umano ang lola ng bata sa labas ng bahay at walang ideya sa nangyayari sa loob. 

Pagbalik umano nito, nakita niyang nililinis ng kaniyang asawa ang dugo sa sahig habang sugatan na ang apo.

Dinala agad sa ospital ang bata ngunit hindi na ito naisalba ng mga doktor.

Nakita rin umano ng mga imbestigador ang mga bakas ng dugo sa loob ng bahay at mga palatandaang tila gumapang pa ang bata papunta sa ibang bahagi ng tahanan matapos masugatan.

Hindi naman umano nakarinig ng sigawan o paghingi ng saklolo ang mga kapitbahay dahil sa ingay mula sa construction work na ginagawa malapit sa lugar.

Ayon sa ilang kamag-anak, nakararanas umano ng depresyon ang suspek bago nangyari ang insidente.

Humingi naman ito ng tawad nang maharap sa media ngunit hindi na nagbigay ng karagdagang pahayag.

Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kaso laban sa suspek habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon sa insidente.