Nataranta ang isang pamilya sa Pasig City nang bisitahin sila ng sawang may habang higit kumulang tatlong metro, nitong umaga ng Linggo, Mayo 17.
Mapapanood sa pinag-uusapang video ng netizen na si Jonathan Garcia na nakuha ang sawa sa ilalim ng kanilang sofa habang agresibo itong nagpupumiglas, bandang 5:00 ng umaga.
“Isang hindi inaasahang bisita ang biglang pumasok sa aming bahay mga alas 5 ng umaga kanina. May haba ng hindi kumulang sa 3 metro at medyo agresibo,” aniya sa caption.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Jonathan, ibinahagi niyang kakatapos lamang daw nilang magkape ng misis nang napansin nilang gumagalaw ang pinto sa bahay nila.
Akala pa raw nila noong una ay pusa lamang ito, ngunit napabalikwas sila ng misis niya nang biglang lumitaw ang ulo nito sa gilid ng sofa.
“Kakagising lang po namin ng misis ko, around 5am, kakatapos lang din namin po magkape and nanood muna kmi ng tv, habang nakaupo kmi sa sofa, napansin ko na gumagalaw yung pinto, akal ko po una pusa lang, pero biglang lumitaw yun ulo nya sa gilid ng sofa, napabalikwas kmi ni misis,” kuwento ni Jonathan.
Dahil dito, agad nilang tinawagan ang Ugong Special Rescue Unit upang makuha ang sawa.
Laking ginhawa naman niya nang mabilis ang naging pag-rescue ng mga ito sa agresibong sawa.
“[A]gad namin tinawagan yung ugong rescue, napakabukis nilang rumesponde, si [F]rans [N]irman [P]abocan po yun may hawak and cya din ang humuli sa ahas,” saad ni Jonathan.
Ibinahagi rin niya na bukod sa sawang nakapasok sa kanilang bahay, mayroon pa siyang nakuhanang sawa sa kanilang lugar, 14 na linggo ang nakalipas.
Ang nasabing sawa rito ay kuha sa Ugong, Bahay Kuwago, sa Pasig City din, bandang 1:50 ng madaling araw.
Hinuha ni Jonathan, dumadalas na ang pag-ulan sa bansa kaya lumalabas na sa ilog ang mga ito.
Nang tanungin kung alam ba ng barangay ang mga insidenteng ito, ibinahagi ni Jonathan na reported ito lahat kanilang barangay.