February 08, 2026

Home BALITA Metro

Ilang HR staff, 'hinarang' ng construction workers dahil sa delayed na pasuweldo

Ilang HR staff, 'hinarang' ng construction workers dahil sa delayed na pasuweldo
Photo courtesy Freepik (for representation only)

Naresolba ang namuong tensyon sa pagitan ng construction workers at ilang kawani ng Human Resource Department (HRD) ng isang corporate building sa Bonifacio Global City (BGC), Barangay Fort Bonifacio sa Taguig City bunsod ng umano'y delayed na pagbibigay ng karampatang suweldo.

Sa ulat ng ABS-CBN News, nagsimula ang insidente bandang 7:15 ng Sabado ng gabi, Pebrero 7, sa 29th floor ng gusali. Nagtipon-tipon umano ang mga karpintero upang kausapin ang HR staff dahil hindi umano naibigay ang kanilang sahod.

Nilinaw ng mga awtoridad na hindi hostage taking ang nangyari at walang anumang armas o patalim na ginamit ang mga construction worker sa nasabing insidente, at nanatiling mapayapa ang pag-uusap sa loob ng gusali.

Ayon pa sa barangay, hindi umano naipaalam agad ng HR staff ang delay sa suweldo ng mga manggagawa.

Metro

Giit ni Torre: Walang nakakahiya sa paglalakad, pagbibisikleta!

Umabot umano ang diyalogo sa pagitan ng mga partido dakong 10:00 ng gabi.

Bandang 10:59 ng gabi, dumiretso sa barangay hall ang mga staff ng HR at isang kinatawan ng mga construction worker para pormal na ayusin ang usapin.

Nangako naman daw ang kompanya na ibibigay nila ang suweldo ng mga manggagawa sa darating na Lunes, Pebrero 9, bagaman wala pang tiyak na oras kung kailan ito matatanggap.

Hindi naman nabanggit sa ulat kung bakit kinailangan pang i-hold ng kompanya ang pasuweldo para sa mga nabanggit na construction worker.