Arestado ang isang family driver sa Pasay City kamakailan matapos umano nitong nakawan ang kaniyang amo ng alahas na aabot sa ₱640,000 ang halaga.
Ayon sa ibinahaging ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Linggo, Mayo 10, ipinost daw ng suspek ang ninakaw nitong gamit sa isang Facebook marketplace group.
Base pa sa imbestigasyon, nanakaw sa employer ang Panerai Submersible Carbotech wristwatch na nagkakahalagang ₱600,000, at Hermès Clic H bracelet na ₱40,000 naman ang halaga.
Nakita umano ng anak na lalaki ng employer sa marketplace ang bracelet, at agad na napag-alamang nakuha ito ng suspek mula sa kanila.
Batay pa sa ulat ng NCRPO, umamin umano ang driver sa ginawa—at boluntaryong ibinalik ang bracelet.
Samantala, inamin din itong naibenta na niya ang relo sa hindi pinangalanang buyer.
Nasa kustodiya na ng pulisya at awtoridad ang suspek.
Nahaharap siya ngayon sa kasong Qualified Theft.