Pinaslang umano ng dalawang lalaki ang kanilang kasamahan sa trabaho bago iniwan ang bangkay nito sa gilid ng kalsada sa bayan ng Tuy, Batangas.
Ayon sa paunang ulat, isang motorista ang unang nakakita sa katawan ng lalaki na may sako sa ulo sa Sitio De Guzman, Barangay Sabang, Tuy, Batangas.
Sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, kinilala ang biktima sa alyas na “Rex,” 44 taong gulang, at isang empleyado ng isang warehouse sa lugar.
Agad na naaresto ang dalawang suspek na kapwa katrabaho ng biktima. Lumalabas sa imbestigasyon na sinuntok umano ng isa sa mga suspek ang biktima matapos itong pagbintangang nagsumbong sa kanilang amo, na naging dahilan ng pagkakatanggal sa trabaho ng isa pa nilang kasamahan.
Tumulong naman ang ikalawang suspek sa pananakit hanggang sa makarinig na lamang ng mga putok ng baril ang ibang empleyado sa lugar.
Iniuugnay din sa imbestigasyon na tinakot ng mga suspek ang mga testigo upang hindi magsumbong sa pulisya.
Dagdag pa rito, inutusan umano ng mga suspek ang ilang saksi na isakay ang bangkay ng biktima sa motorsiklo bago ito itinapon sa tabing kalsada.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek sa custodial facility ng Tuy Municipal Police Station habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa kanila.