December 14, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Pokwang inaatake, pinupuksa ng ilang fans ni Fyang

Pokwang inaatake, pinupuksa ng ilang fans ni Fyang
Photo courtesy: Pokwang (FB)/Fyang Smith (IG)

Umani ng batikos mula sa mga tagasuporta ni Fyang Smith ang Kapusong komedyante-TV host na si Pokwang matapos ang kaniyang kontrobersyal na komento at payo para sa "Pinoy Big Brother Gen 11" Big Winner.

Sa "Circle of Stars," ibinahagi kasi ang naging hirit ni Fyang patungkol sa batch nila ng PBB. Biro kasi ni Fyang, wala raw makakatalo sa kanilang batch.

Batch nila ang sinundan ng sumakses at katatapos lamang na Celebrity Collab Edition, kauna-unahang sanib-puwersa ng ABS-CBN at GMA Network pagdating sa production ng reality show.

Minasama kasi ng maraming netizens ang "spliced video" ng pahayag ni Fyang patungkol sa kanilang video, kung saan, ipinagdiinan ni Fyang na biro lang ang sinabi niyang walang makakatalo sa batch nila.

Tsika at Intriga

'Mapapasubo?' Doris Bigornia, kakayanin 8 MMFF movies basta ka-date si Atom Araullo

"Alam mo, kahit ilang batch pa ’yan, walang makakatalo sa batch namin. Hello? Gen 11? Breaking… Highest… Hello? Hindi! Joke lang! Kaya walang makakatalo sa batch namin kasi lahat kami very genuine, very authentic. Akala nga namin walang nanonood, kaya lahat kami gano’n mga ugali namin," aniya.

Kumalat naman ang screenshot ng umano'y komento tungkol dito ni Pokwang, sa account niyang "Marietta Subong" o tunay niyang pangalan.

Mababasa sa komento ang tila "pangaral" niya kay Fyang na higit dalawang dekada na siya sa showbiz, at ang susi raw para manatili ay "BE HUMBLE."

Mababasa sa umano'y komento ni Pokwang, as is published, "my God iha 21 years na ako sa showbiz at ang sekreto BE HUMBLE iha yan muna ang pag aralan naka ilang pbb season na ang nasaksihan ko pero iilan nalang silang active sa showbiz so iha please wag muna mag yabang bad yan."

KAUGNAY NA BALITA: Be humble! Pokwang kay Fyang, 'Iha please wag muna magyabang, bad yan'

Hindi nagustuhan ng karamihan sa fans ni Fyang ang naging pahayag ni Pokwang, at agad siyang binanatan sa iba’t ibang social media platforms. Nag-trending pa nga ang pangalan ni Pokwang sa X dahil dito.

Banat nila, sana raw ay inintindi muna ni Pokwang na nagsabi naman daw ng "biro lang" si Fyang, at hindi naman daw intensyong magyabang tungkol sa kanilang PBB batch.

Samantala, nanindigan naman ang ilang tagasuporta ni Pokwang na wala raw masama sa paalala ng komedyante at na maaaring isa lamang itong general advice sa mga bagong artista.

"Lahat ng artista dumaan sa ganiyan, paalala lang 'yon. Wag agad magalit," ani ng isang netizen.

Sa ngayon, tikom pa ang bibig ni Fyang Smith kaugnay ng isyu, habang patuloy namang dumarami ang diskusyon online tungkol sa tamang asal ng mga bagong personalidad sa showbiz. Sana hindi ito makaapekto sa serye nila ni JM Ibarra na "Ghosting" na mapapanood sa iWantTFC.

Pati nga si JM, nag-post na rin ng paalala sa social media na huwag agad maniwala sa fake news at spliced videos.

KAUGNAY NA BALITA: JM Ibarra nagbabala tungkol sa fake news, resbak sa bashers ni Fyang?

Bagama't wala naman tinukoy kung anong rason at napa-post siya, naniniwala ang mga netizen na paraan niya ito para rumesbak laban sa bashers ni Fyang.

Bukas naman ang Balita sa panig ng kampo ni Fyang.