Usap-usapan ang paalala ng dating housemate ng Pinoy Big Brother Gen 11 at katambal ng Big Winner nitong si Fyang Smith, na si JM Ibarra, hinggil sa mga kumakalat na fake news at spliced videos.
Mababasa sa kaniyang Facebook post, Lunes, Hulyo 7, "Ingat tayong lahat sa fake news at spliced videos na galing sa mga clout chasing pages. Choose to be kind tayo palagi."
Bagama't pangkalahatan ang post, palagay naman ng fans, pinapatungkol ito sa spliced video ni Fyang na pinuputakti ng netizens sa social media, matapos niyang magbigay ng saloobin hinggil sa batch nilang Gen 11.
"Alam mo, kahit ilang batch pa ’yan, walang makakatalo sa batch namin. Hello? Gen 11? Breaking… Highest… Hello? Hindi! Joke lang! Kaya walang makakatalo sa batch namin kasi lahat kami very genuine, very authentic. Akala nga namin walang nanonood, kaya lahat kami gano’n mga ugali namin," aniya.
Bagay na umani naman ng katakot-takot na reaksiyon at komento, kabilang na nga si Kapuso comedienne-TV host Pokwang, matapos kumalat ang screenshot ng umano'y komento niya patungkol dito.
Mababasa sa umano'y komento ni Pokwang, as is published, "my God iha 21 years na ako sa showbiz at ang sekreto BE HUMBLE iha yan muna ang pag aralan naka ilang pbb season na ang nasaksihan ko pero iilan nalang silang active sa showbiz so iha please wag muna mag yabang bad yan."
KAUGNAY NA BALITA: Be humble! Pokwang kay Fyang, 'Iha please wag muna magyabang, bad yan'
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag patungkol dito ang kampo ni Fyang. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.