June 14, 2025

Home BALITA Metro

Pasaherong PWD pinagbubugbog, sinakal sa loob ng bus

Pasaherong PWD pinagbubugbog, sinakal sa loob ng bus
screenshot mula sa viral video

Pinag-uusapan ngayon sa social media ang isang video kung saan pinagbubugbog, pinagsisipa, at sinakal ang isang umano'y lalaking person with disability (PWD) habang nasa loob ng isang bus na bumabagtas sa kahabaan sa EDSA.

Sa isang 1:30 minutong video na ipinost noong Hunyo 10 sa social media, makikitang nakaupo ang umano'y PWD, na nakasuot ng puting damit, sa pinakalikod ng bus habang sumisigaw ito ng "tama na!" at may kagat-kagat na tela. 

Maya-maya ay makikita sa video ang isang lalaki kung saan sinipa niya sa mukha ang PWD at pinagsusuntok ito. Sinusubukang pigilan ng PWD ang pag-atake ng lalaki sa kaniya gamit ang kaniyang kamay. Maririnig din ang pagdaing nito.

Bukod sa naturang lalaki, inatake rin ng iba pang lalaking pasahero ang PWD. 

Metro

Pauwi na sana ng bahay: Liaison officer, patay sa pananambang

Samantala, nakarating ito sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ipinatawag ang mga opisyal ng bus company na “Precious Grace Transport" na may plate number na NDQ 2615. 

“The LTFRB has summoned the officials of Precious Grace Transport to explain why their Certificate of Public Convenience (CPC) should not be suspended or revoked,” saad ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III nitong Biyernes, Hunyo 13.

Sinabi ng LTFRB na ang lalaking na umano'y PWD ay sinaktan umano ng konduktor ng bus at ilang pasahero. Hindi naman matukoy kung bakit sinaktan ng konduktor at ibang pasahero ang PWD. 

Isinasagawa rin ang independent investigation upang makakalap ng testimonya at upang i-verify ang video footage na kasalukuyang may mahigit 11 milyong views, 58,000 reactions at 25,000 comments, karamihan sa publiko ay kinondena ang pang-aabuso laban sa lalaking may problema sa pag-iisip.

Ayon kay Guadiz na hindi kukunsintihin ng LTFRB ang anumang pagkilos ng karahasan, diskriminasyon, o pang-aabuso, lalo na sa mga PWD.

Bukod sa ipinataw na show cause order, ipinag-utos din ng LTFRB ang 30-araw na preventive suspension laban sa 10 bus units ng kumpanya, na pawang nag-o-operate sa EDSA Bus Carousel.