June 13, 2025

Home BALITA National

House Prosecution Panel sa impeachment ni VP Sara: 'Active and alive, buhay na buhay!'

House Prosecution Panel sa impeachment ni VP Sara: 'Active and alive, buhay na buhay!'
Photo courtesy: Screenshot from House of Representatives (FB)

Iginiit ng House Prosecution Panel na tuloy pa rin ang impeachment ni Vice President Sara Duterte, kahit na nagkaroon ng "pagbabalik" sa kanila ng Articles of Impeachment, at pag-iisyu ng writ of summons sa kampo ng Pangalawang Pangulo, sa atas ng Senate Impeachment Court.

Kasalukuyang isinasagawa ang press conference kaugnay ng impeachment sa House of Representatives, Miyerkules, Hunyo 11, 2025.

Iginiit ng isa sa mga miyembro ng Prosecution Panel na si 2nd District of Batangas Rep. Gerville Luistro na tuloy na tuloy ang impeachment ni VP Sara, sa kabila ng pagbalik sa kanila ng Senate Impeachment Court sa Articles of Impeachment.

Aniya, "active and alive" at "buhay na buhay" ang nabanggit na impeachment at susunod sila sa anuman ang order ng Senate Impeachment Court, bagama't aminado silang nalalabuan at nagugulahan sila sa desisyon.

National

VP Sara 'hostage' si Sen. Imee, kailangang ibalik sa Pinas si FPRRD

Sinabi rin ni Senate President Chiz Escudero na kanselado na muna ang nakatakda sanang pagbasa sa Articles of Impeachment ngayong Miyerkules, Hunyo 11.

KAUGNAY NA BALITA: Pagbasa ng articles of impeachment ni VP Sara, kanselado na ngayong araw!

Nangyari na nga ang inaabangang pag-convene ng Senado bilang hukuman para sa paglilitis ng impeachment ni VP Sara noong Martes ng gabi, Hunyo 10.

Kaagad namang naghain ng mosyon si Senador Ronald "Bato" Dela Rosa upang i-dismiss ang kaso ng impeachment laban kay VP Sara, na sinang-ayunan naman nina Sen. Bong Go at Robin Padilla. Kilala ang tatlo bilang "Duterte Bloc" sa Senado—mga senador na bukas na sumusuporta kay dating Pangulo Rodrigo Duterte.

Binatikos ng minority, na pinangungunahan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel at kasamang si Senator Risa Hontiveros, ang naturang mosyon. Naglatag din ng kanilang mga argumento ukol dito sina Sen. Francis Tolentino, Joel Villanueva, at Win Gatchalian.

Kumuha ng mas neutral na posisyon si Sen. Alan Peter Cayetano, na nagmungkahi na bagama't hindi maaaring tuluyang i-dismiss ang impeachment, sa halip ay amyendahan na lamang ito.

Sumunod ang maikling suspensyon ng sesyon, at sa pagbabalik sa pagpupulong, bumoto ang mga senador-hukom ukol sa mosyon na ibalik ang Articles of Impeachment na ibinigay ng House of Representatives sa Senado noong Pebrero 2025. Sinabi ng Senado na tila minadali ng House ang proseso.

Labing-walong senador-hukom ang bumoto para sa mosyon, habang lima ang tumutol. Walang nag-abstain.

KAUGNAY NA BALITA: Botong 18-5: Sino-sino Senator-judges na aprub, tutol sa mosyon nina Dela Rosa, Cayetano?

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Kapag sinabing 'remand,' anong meaning?